Sayang…sunud-sunod na tagumpay ni Alden di na nasaksihan ng yumaong ina

yaya dub

Kuwento ng aming mga impormante ay kinabog ni Alden Richards ang lahat ng mga artista at singers na dumalo sa katatapos lang na Star Awards For Television ng PMPC.

Si Alden ang pinarangalan bilang Best Drama Actor para sa taong ito dahil totoo naman na bukod sa sikat na sikat siya ngayon ay marunong umarte ang Pambansang Bae.

Walang kuwestiyon ang kanyang award, hindi ngayon at sikat na sikat si Alden sa tambalan nila ni Maine Mendoza ay saka lang siya pinanalo ng PMPC, markado ang kanyang pagganap sa Ilustrado ng GMA 7.

Kahit naman sa kalyeserye ay pinatutunayan ni Alden ang kanyang pagkaaktor, sa madadramang eksena kahit pa sabihing komedya ang hatid ng kalyeserye ay nasasaksihan ng publiko ang malaya niyang pagluha, kaya maraming nagkokomento na napag-iiwanan niya si Yaya Dub na ngayon pa lang naman sumasalang sa mga ganitong eksena.

Dagdag sa kasikatan at kaguwapuhan ni Alden Richards ang parangal na tinanggap niya mula sa Star Awards For Television. Siguro naman ay titigil na sa pagwawagwagan ang mga dila na naghahanap ng maipipintas sa aktor.

Hindi lang siya sikat, hindi lang siya basta super-guwapo, si Alden Richards na tinaguriang Pambansang Bae ay isang tunay na aktor sa pinakaeksaktong pakahulugan sa salitang ‘yun.

Sayang lang talaga dahil hindi na nasaksihan ng kanyang dakilang ina ang mga tinatanggap niyang parangal ngayon. Maligayang bati, Alden Richards, mabuhay ang AlDub Nation na maligayang-maligaya sa tagumpay ng kanilang idolo!

Read more...