IKINAGULAT ng mag-inang Susan Roces at Sen. Grace Poe ang chikang papalitan na raw ng biyuda ni Da King Fernando Poe, Jr. ang senadora bilang kandidato sa pagkapangulo dahil sa mga kinakaharap nitong disqualification cases.
“Alam ninyo po noong nakita nga namin iyan sa dyaryo pati ako nagulat. Kasi wala naman kaming pag-uusap ng nanay ko ng ganyan,” sagot ni Grace sa isang panayam tungkol sa nasabing isyu.
Bukod sa hindi naaayon sa batas na siya ay palitan ni Ms. Susan dahil siya ay independent candidate, wala daw interes sa pulitika ang Reyna ng Pelikulang Pilipino, ayon pa kay Grace.
“Walang interes ang aking nanay na pumasok sa pulitika. Unang-una po, masaya siya sa kanyang trabaho ngayon. At sa kanyang kalayaan bilang isang senior citizen,” paliwanag ng senadora sa isang panayam.
Kumpiyansa naman si Ms. Susan na malalampasan ni Grace ang mga ginagawang panghaharang ng mga kalaban sa kandidatura ng anak. Ipinaalala raw niya kay Grace na ang mga problema sa Comelec ay pinagdaanan din ni FPJ nang tumakbo itong pangulo noong 2004.
Ang mga ganitong sakripisyo daw ay “worth it” kung hangarin niyang makatulong sa mga kababayan.
“Sabi niya worth it naman ito eh. Kasi kung saka-sakaling ikaw ay pagpalain at sabihin ng Diyos na ikaw ay karapat-dapat para dyan, ang dami mong pwedeng tulungan,” dagdag pa ni Grace.