UNA mang sumikat ang Kapamilya teen star na si Janella Salvador bilang aktres, unti-unti rin siyang nakilala sa kanyang galing sa pagkanta.
Matapos ilunsad ng Star Music bilang isang ganap na recording artist at bansagang pinakabagong OPM Pop Sweetheart, opisyal na ring Disney Princess ang dalaga nang piliin siya ng Hong Kong Disneyland na i-represent ang Pilipinas at awitin ang 10th anniversary theme song nitong “Happily Ever After.”
Kabilang ang English at Taglish versions ng awit sa limited edition ng kanyang self-titled album sa ilalim ng Star Music. “Natatandaan kong sine-celebrate ko ang 7th birthday ko sa Hong Kong Disneyland 10 years ago noong kakabukas pa lang nila.
I’m so honored, this time, to represent our country and sing its 10th anniversary theme song. Dreams do come true, and Disney never fails to prove that,” aniya.
Tampok din sa album ni Janella ang siyam na pop at inspirational songs. Kabilang dito ang carrier single niyang “Ganyan Talaga,” na mismong ang Inspirational Diva na si Jamie Rivera ang nag-compose.
Lalong espesyal pa ang album na ito para kay Janella dahil katuwang niya ang kanyang inang si Jenine Desiderio na nagsilbing vocal supervisor nito. Nakapaloob din sa album ang remake ni Janella ng “Dear Heart” ni Sharon Cuneta at ang “I Can” ni Donna Cruz.
Tiyak namang kakakakiligin ng fans niya at ng kanyang ka-loveteam na si Marlo Mortel, na miyembro rin ng boy group na Harana, ang duet nilang “Kapag Tumibok Ang Puso” na original din ni Donna Cruz.
Kabilang din sa track list ang “Harana Na Na Na Na,” “Tick Tock Love,” “Teka Muna Pag-ibig…,”at ang Himig Handog P-Pop Love Song na “Mahal Kita Pero,” pati na ang minus-one versions ng siyam na kanta sa album.
Ang limited edition ng “Janella Salvador” ay malapit nang mabili sa record bars nationwide. Maaari ring mai-download ang album sa pamamagitan ng online music stores katulad ng iTunes, Mymusicstore.com.ph, at Starmusic.ph.