Kapitan ng barko namaril; 1 crew patay, 1 nawawala


Patay ang isang crew ng bangkang pangisda habang isa pa ang nawawala matapos pagbabarilin ng kanilang kapitan sa bahagi ng dagat na sakop ng Gutalac, Zamboanga del Norte, iniulat ng pulisya kahapon.

Dead on the spot si Nestor Besanes, chief engineer ng lightboat na L/B Kaleigh 502 ng Yap & Lim Fishing Company, habang nawawala ang isa pang crew na si Reynante Calunsag, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.

Naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi Miyerkules sa bahagi ng dagat na malapit sa Brgy. Bayanihan.

Nakaligtas sa pamamaril ang crew din na si Eduardo Dela Cerna at cook na si Richard Mendoza sa pamamagitan ng pagtalon sa tubig, at nasagip ng mga rumspondeng sundalo’t pulis.

Nagsagawa din ng pagtugis ang mga elemento ng Gutalac Police at Army nang matunugan ang insidente, hanggang sa madakip ang kapitan ng barko na si Roldan Avelino sa baybayin ng Brgy. Diculom, Baliguian, alas-3 ng umaga Huwebes.

Nakaditine ngayon si Avelino sa Gutalac Police Station para imbestigahan, habang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad si Calunsag.

Read more...