Akyat-bahay dedo sa engkuwentro

gapan
Patay ang isang lalaking sangkot umano sa mga insidente ng akyat-bahay nang makipagbarilan sa mga pulis sa Gapan City, Nueva Ecija, kaninang umaga, ayon sa pulisya.

Napatay ang suspek na si Loui Garcia, residente ng Purok Riles, Brgy. San Vicente, at dati nang nakasuhan para sa ilang insidente ng pagnanakaw sa lalawigan, sabi ni Chief Supt. Rudy Lacadin, direktor ng Central Luzon regional police.

Naganap ang engkuwentro sa Brgy. San Nicolas dakong alas-3:15.

Nagpapatrolya noon sa lugar ang mga elemento ng Gapan City Police at Provincial Public Safety Company nang mapansin ang dalawang kahina-hinalang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo, kaya sinubukang pahintuin ang mga ito.

Gayunpaman, nang makita ng dalawa ang patrol car ay pinaharurot ng dalawa ang motor kaya hinabol ng mga pulis, ani Lacadin.

Sa kasagsagan ng habulan ay nagpaputok ang mga naka-motor kaya gumanti ang mga pulis at napatay ang isa, na nakuhaan ng kalibre-.38 revolver at sa huli’y nakilala bilang si Garcia, aniya.

Nakatakas ang driver ng motor at patuloy pang pinaghahanap ng mga alagad ng batas.

Read more...