PATAY ang isang guro matapos pagtatagain sa loob ng paaralang kanyang pinagtuturuan sa Barangay Camp 5 Tubod, Lanao del Norte ganap na alas-7:45 kaninang umaga.
Sinabi ng mga otoridad na nakilala ang suspek, sa pamamagitan ng mga testigo, na si Arnold Fantonial Alfafara, na tumakas matapos mapatay ang guro.
Kinilala ng principal na si Amy Bagul ang biktima na si Roselyn Longcob Talabor.
Bukod sa pagsasabing gumamit ng machete ang suspek sa pagpatay kay Talabor, wala nang karagdagang detalyeng maibigay si Bagul kaugnay ng insidente.
Sinabi ng mga pulis na nagsasagawa pa ng imbestigasyon kaugnay ng pangyayari.
Ayon kay Insp. Dennis Tano, police commander ng Tubod na nagtamo si Talabor ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Hindi na nakarating ng buhay ang biktima sa ospital.
Idinagdag ni Tano na pinaghahanap din nila si Alfafara.
Sinabi ni Mae Macarambon, coordinator ng Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) na sinuspinde ang klase dahil sa insidente.
Sinabi ni Macarambon na nagkaroon ng trauma ang mga mag-aaral na nakakita ng pagpatay.