NASA anim na ang naitalang sugatan sa sunog sa Sta. Cruz, Maynila Biyernes ng umaga.
Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Manila Fire Marshall Col. Jaime Ramirez, nagsimula ang sunog pasado alas 9 sa bahay ni Alex Cayetano pero hindi pa matukoy kung ano ang dahilan ng pagsiklab ng apoy.
Itinaas sa general alarm ang sunog — na ang ibig sabihin ay kailangan na ng tulong ng mga bumbero mula sa ibang panig ng Metro Manila.
Kabilang sa mga nasugatan ay ang 3 bumbero na kinilalang sina SFO4 Arnel Malasici ng Tondo Fire na natalsikan sa mata ng tunaw na plastik. Sugatan din si Eugene Mallari, isa ring fire volunteer na nagtamo ng sugat sa kaliwang leeg; si Richard Hidalgo, 31 anyos, fire volunteer na nagtamo ng sugat sa kanang hinlalaki.
Ang isang residente naman na si Paola Cuasay, 23 anyos ay dinala sa ospital matapos mahirapang huminga.
Dahil sa malakas na sunog, inilikas ang mga preso na nakakulong sa station 3 ng Manila Police District.
Marami rin sa mga patungo sa bahagi ng Quiapo church para magsimba ngayong araw ng Biyernes ay napilitang maglakad na lamang dahil hindi na gumagalaw ang daloy ng traffic sa mga sasakyang galing sa bahagi ng Espanya.
Pasado alas 12 ng tanghali nang ideklarang under control na ang nasabing sunog.
Samantala, kasabay ng pagsiklab ng apoy sa Maynila, isang commercial building naman ang tinupok ng apoy sa Quezon City.
Tinupok ng apoy ang bahagi ng Aurora Tower sa Aurora Boulevard sa lungsod na umabot ng ikalimang alarma. Alas 12:41 naman nang ideklarang fire out ang sunog.