ANG mga Katoliko na nagalit kay Davao City Mayor Rody Duterte dahil sa kanyang pagmumura kay Pope Francis ay dapat munang pigilin ang kanilang paghusga sa controversial mayor.
Sinabi ni Duterte na napamura siya sa Santo Papa nang siya ay nasabit sa napakahabang traffic nang bumisita ito sa bansa noong Enero.
“Pope, p…. i… ka, umuwi ka na,” inamin ni Duterte na sinabi niya ang mga katagang yun.
Dapat malaman ng mga tao na ang Pope ay may dalawang puwesto: bilang lider ng Simbahang Katolika, at head of state ng Vatican city-state.
Napamura si Duterte sa Pope hindi bilang lider ng Simbahang Katolika, dahil siya’y katoliko rin, kundi bilang head of state ng Vatican .
Anyway, kapag nagmumura si Duterte ang mga taumbayan sa Davao City ay hindi na nasa-shock dahil alam nila na ito’y kanyang pagpakita ng galit o papuri.
Papuri, as in “p…. i… ka, ang galing mo, pare!”
Kapag nagagalit si Duterte nagmumura siya, kapag siya naman ay natutuwa nagmumura rin siya.
Ang kanyang pagmumura ay bulaklak ng dila, ‘ika nga, at kadalasan ay walang ibig sabihin na masama.
Oo nga’t bulgar siya, pero ipakita ninyo sa akin ang isang taong nagsasabi na siya’y di nagmura at sasabihin ko na siya’y ipokrito.
Kahit na nga ang mga pari ay nagmumura kapag sila-sila lang, sabi sa akin ng kaibigan kong pari.
Mamahalin mo si Duterte o kamumuhian mo siya, at walang middle ground ang pagtingin mo sa kanya.
Kung nababastusan o nabubulgaran ka sa kanya, tama ka rin dahil siya’y bulgar at brusko talaga.
Pero kapag nabalatan mo si Duterte at inalis mo ang kanyang pagmumura na parang estibidor, makikita mo na siya’y simple, sinsero at mapagmahal sa kapwa.
Kung kaibigan ka niya ay sasaluhin niya ang bala na para sa iyo.
Ang matinding galit niya sa mga kriminal ay dahil ayaw niyang mabiktima ang mga taong sumusunod sa batas.
Dati siyang piskal ng Davao City at napagtanto niya na kapag binabaitan mo ang pagturing sa mga masasamang-loob lalo silang gagawa ng krimen.
Kamay na bakal ang kailangang gamitin sa mga kriminal, ani Duterte.
Sino ang pipiliin ninyo: isang lider na walang ipinapakita pati ang kanyang kaluluwa , o isang lider na tinatago ang kanyang tunay na pagkatao at ipagbibili ka sa demonyo kapag nagkataon?
Si Duterte ay isang open book sa kanyang mga constituents sa Davao City .
Pinalalampas nila ang kanyang pambababae dahil alam nila na siya’y isang magaling at tapat na lider.
Malayo si Duterte sa ibang public official na gustong ipakita ang kanilang pagiging santo daw—ang iba pa nga diyan ay pinakikita pa sa publiko ang kanilang pagtanggap ng Holy Communion—pero ninanakawan naman ang taumbayan at walang pakialam sa kanilang kapakanan.
Kahit na ang idolo kong si Walden Bello, dating Akbayan congressman at ngayon ay tumatakbo bilang senador, ay inaamin na malakas si Duterte sa taumbayan dahil inaakala nila na mabibigyan niya ng kalutasan ang problema sa laganap na krimen at droga.
Pero sabi ni Bello ay mapanganib na maging lider ng bansa si Duterte dahil hindi siya gumagalang ng karapatang pantao.
“I think Duterte is really dangerous and I find his views on human rights appalling,” sabi ni Bello .
Magkapareho ang pananaw ng mga taong disente at ni Bello kay Duterte hanggang nakita nila na ligtas ang mga tao sa kalye at kanilang mga tahanan sa lungsod dahil nawala ang mga kriminal sa paligid.
Ano ang gusto mong protektahan, ang kara-patang pantao ng mga kriminal o ang karapatang pantao ng mga taong sumusunod sa batas?