Kilalang aktor minamalas, mga proyekto laging nasusulot

MARAMING nanghihinayang sa talentong meron ang isang aktor.
Batambata pa siya ay kinakitaan na siya ng kakaibang kapasidad sa pagganap, marami siyang pinataob na kapwa aktor, pero hindi siya nabibigyan ng mga proyektong mas magpapaangat pa sa galing niyang umarte.
Pamilyado na ang guwapo at magaling na aktor na ito, pinoproblema na niya ang mga pangangailangan ng kanyang mag-ina, kung kasipagan ang pag-uusapan ay walang problema sa kanya.
Pero mukhang mailap talaga sa kanya ang suwerte, nu’ng minsan ay asang-asa na ang aktor na gaganap siya bilang kabig ng bida, pero meron pang nakasulot sa papel na dapat niyang gampanan.
Kuwento ng aming source na nakikisimpatya sa magaling na aktor, “Sayang na sayang talaga siya, walang kahirap-hirap sa kanya ang production dahil pagdating niya, e, isasalang mo na lang siya.
“Kabisado na niya ang mga dialogues niya, maaga siyang nagre-report sa set, magaan siyang katrabaho. Nasa kanya na halos lahat dahil very professional si ____ (pangalan ng guwapo at magaling na aktor).
“Kaya lang, kailangan siguro niyang maligo sa pulot, inaalat siya, kanyang-kanya na ang role at handang-handa na siya, pero may nakakakuha pang iba!
“Dahil sa tumal ng work niya, sumali siya sa isang banda, bukod kasi sa pag-arte, magaling din siyang singer. Mabuti na lang at meron pa siyang ibang talento, dahil kung ang aasahan lang niya, e, ang pag-arte, siguradong gutom ang aabutin ng pamilya niya,” malungkot na pahayag ng aming source.
Isang-isa lang ang clue na kailangan para makilala mo siya, saranggola. ‘Yun na!

Read more...