ITINANGGI ni Senate President Franklin Drilon na konektado sa Liberal Party (LP) ang abogadong naghain ng petisyon laban kay Sen. Grace Poe na pinaboran naman ng Commission on Elections (Comelec).
Iginiit ni Drilon, na siyang vice president ng LP, na maging siya ay hindi niya kilala si Atty. Estrella Elamparo.
“No, not at all. No, I don’t know her, and she is not connected, just to be clear,” sabi ni Drilon.
Idinagdag ni Drilon na ang desisyon ng Comelec ay naaayon lamang sa batas at hindi dahil sa pambato ng LP na si dating Interior secretary Mar Roxas.
Sinabi pa ni Drilon na maging ang isa sa mga miyembro ng LP na si Sen. Bam Aquino ay bumoto para ibasura naman ang petisyon laban kay Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET).
“Uulitin ko lang, ang issue doon sa citizenship ay pareho doon sa Comelec at sa SET. Sa SET, ang aming miyembro na si Senator Bam Aquino, voted in favor of Senator Grace Poe. Ang Comelec naman, voted against her. So talagang kanya-kanya iyang pag-assess ng batas at ng facts na naiharap sa tribunal,” aniya.