91 pulis nalason sa manok, kalabasa

INIIMBESTIGAHAN na ng Caraga regional police ang insidente kung saan mahigit 90 police recruits ang nalason sa kinaing adobo sa regional training center sa Surigao City.

Sinabi ni Superintendent Daniel Peusca, regional police spokesman, na nakatanggap sila ng impormasyon na tinatayang 91 recruit ang nalason sa Regional Training Center sa Camp George T. Barbers, Brgy. Lipata.

“Ninety-one ang initially reported, but as of kaninang umaga ay 64 na daw ang nakabalik na sa barracks nila and ‘yung remaining ay nandun pa sa ospital for observation,” sabi ni Peusca sa panayam ng Bandera.
Lahat ng mga recruit ay pawang may ranggong PO1. Nagkasakit sila noong Biyernes mtapos kumain ng isang putahe ng manok.
Ayon sa ulat, nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae ang mga pulis matapos kumain ng adobong manok at ginataang kalabas at nagka-diarrhea ang 97 pulis nang kumain ng adobong manok at ginataang kalabasa.
“Ang sabi lang sa amin ay may kinain sila, tapos nagsakitan ang tiyan… Ngayon, pinapaimbestigahan kung ‘yun bang kinain nila na ‘yun ang cause or baka may iba pa sila kinain na naging dahilan,” dagdag ni Peusca.

Sinabi ni Peusca hindi pa nakakatanggap ng iba pang detalye ang regional police headquarters kaugnay ng insidente dahil wala itong direktang kontrol sa training camp na pinapatakbo naman ng Philippine Public Safety College.

“Pinaiimbestigahan na ‘yung nangyari, hindi naman namin puwedeng pabayaan, kasi mga tao na namin sila (police recruits),” ayon pa kay Peusca. — John Roson

Read more...