MAGING si Pope Francis ay hindi nakaligtas sa pamumulaklak ng bibig ni Davao City mayor at presidential bet Rodrigo Duterte.
Minura ni Duterte si Pope dahil sa ginawa nitong pagbisita sa bansa noong Enero na naging dahilan ng matinding trapiko.
Sa kanyang proclamation rally kahapon bilang kandidato ng PDP-Laban, sinabi ni Duterte na natrapik siya ng limang oras nang dumating ang Santo Papa sa bansa noong Enero.
Sinabi ni Duterte na puputulin na niya ang kanyang speech dahil alas-5 na at trapik. Pinayuhan pa niya ang mga nakikinig na umihi muna.
Naalala ni Duterte ang kanyang karanasan sa trapik.
“From the hotel to the airport….. inabot kami ng limang oras,” ani Duterte na nagtanong kung bakit trapik.
Nang malaman na ito ay dahil sa pagbisita ng Santo Papa, sinabi ni Duterte: “Gusto kong tawagan. Pope put… i… ka umuwi ka na. Wag ka ng magbisita dito,” ani Duterte.
Madali namang nag-react ang Palasyo sa ginawang pagmumura ni Duterte kay Pope.
“Mayor Duterte you can say all you want about politicians but you dont curse my Pope Francis!” ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na idinaan niya sa Twittter na may hashtag pang #defendthepope.