Napakalaking kahihiyan para kay Kris Aquino na pagkatapos niyang pagsalitaan ng masasakit si James Yap at ipagdiinan na isang iresponsableng ama ang tatay ni Bimby ay kakainin pala ng aktres-TV host ang kanyang mga pinagsasabi.
Una, nang i-text pala niya ang basketbolista ay sumagot ito, pero ayon kay Kris ay deadma lang ang ama ng kanyang anak. Paano niya ‘yun maitatanggi samantalang hindi pala binura ni James ang sagot nito kay Kris?
Ikalawa, walang sabi-sabi pero dumating si James sa first communion ng kanilang anak ni Kris, kulang sa salita pero sagana sa gawa ang sikat na basketball player.
Pahiyang-pahiya si Kris sa senaryo, inuuna kasi niya ang kadadakdak at kahahanap ng maipipintas, kahit pa sa taong matagal niyang nakasama na nagbunga pa nga ng isang anak.
Nauuna kasi ang bibig ni Kris kesa sa pag-iisip. Bira lang siya nang bira, buyangyang nang buyangyang ng mga personal na kuwento tungkol sa kanyang buhay, kaya sumasablay siya.
Lahat-lahat ay alam na ng publiko tungkol sa kanya, mangati lang ang kanyang balat ay kailangang malaman na agad ‘yun ni Juan at ni Marya, hindi nagtatago si Kris nang kahit katiting na bahagi ng kanyang personal na buhay para sa kanyang sarili lang.
May bumabagabag sa taong ito. Hindi siya maligaya. Maaaring masaya siya dahil lahat ng gusto niya ay nakukuha niya nang minsanan lang pero hindi pa rin siya maligaya.