Pumutok na ang Gin Kings

THINGS are already falling in their proper places for Barangay Ginebra na ngayon ay nagsisimula nang magsalansan ng mga panalo sa ilalim ng bagong coach na si Tim Cone. Noong Miyerkules ay lumampas na sila sa 50 percent sa winnings matapos na tambakan ang Globalport, 85-70.

Bale 4-3 na ang record ng Gin Kings na mayroong three-game winning streak matapos ang isang maituturing na turbulent start.

Ang maganda pa diyan ay ang pangyayaring ang tagumpay kontra sa Batang Pier ang kauna-unahang panalo ng Gin Kings sa Metro Manila.

Ang una kasi nilang panalo ay naiposte laban sa Alaska Milk, 93-92, sa Dubai, United Arab Emirates noong Nobyembre. Nasundan ito ng 89-64 panalo kontra Meralco sa Alonte Stadium sa Biñan, Laguna noong Nobyembre 15. At noong Nobyembre 22 ay naungusan nila ang Mahindra, 80-76, sa Ynares Center sa Antipolo City.

Actually, palapit naman nang palapit sa Cubao o Metro Manila ang nangyari, e. Kaya siguro naihanda ang hapag para sa Gin Kings na magwagi laban sa Globalport sa Araneta Coliseum.

Kung titingnang maigi ang performance ng Gin Kings, makikita na sa umpisa’y ang consistent talaga ay ang higanteng si Gregory Slaughter. Sa kanya talaga naka-angkla ang buhay ng Barangay Ginebra.

Pero siyempre, kailangan niya ng suporta buhat sa mga kakampi dahil hindi niya kakayaning mag-isa na buhatin ang kanyang koponan.

Sa mga unang bahagi ng torneo, ang nakakatuwang ni Slaughter ay ang kapwa higanteng si Japeth Aguilar na kailangan naman talagang magpakita na rin ng kanyang kakayahan lalo’t nandito na ang kanyang amang si Peter Aguilar na isang dating Ginebra cager. Si Peter na yata ang mangangasiwa sa career ni Japeth.

Laban sa Mahindra ay pumutok naman si Joe Devance na siyang tanging manlalaro na isinama ni Cone buhat sa Star Hotshots.

Kinakitaan din ng brilliance si Jervy Cruz na nakuha ng Gin Kings buhat sa Globalport kapalit ni Rico Maierhofer.

Noong Miyerkules ay pumutok na rin ang dating Most Valuable Player na si Mark Caguioa na siyang naging top scorer kontra Globalport nang gumawa ng 22 puntos bukod sa limang rebounds, limang steals at dalawang assists.

Maganda rin ang naging numero ng point guard na si LA Tenorio.

At bagamat huling manlalarong ipinasok ni Cone buhat sa bench, nagbigay ng impact ang rookie na si Scottie Thompson na siyang naging susi sa breakaway ng Gin Kings. Si Thompson, na produkto ng Perpetual Help, ay naging MVP sa NCAA noong nakaraang taon. Kaya naman mataas ang expectations sa kanya lalo’t nitong nakaraang season ay pitong triple doubles ang kanyang naitala.

May dalawa pang rookies si Cone sa katauhan nina Aljon Mariano na galing sa UST at Dennice Villamor na buhat naman sa NU. Inaasahang puputok din ang dalawang ito kapag nabigyan ng pagkakataon.

Anu’t anuman, mukhang nagsisimula nang magbunga ng maganda ang paglipat ni Cone sa Barangay Ginebra.

Read more...