Uto-utong kasambahay, acquitted

MATAPOS ang napakahabang panahon sa bilangguan, napalaya si Liezl Tomanquez, 26 anyos, matapos na mapatunayan ng korte kamakailan na siya’y inosente.

Si Liezl kasi ay pinaratangan na nagnakaw ng pera at mga alahas na nagkakalahaga ng P1.7 million sa kuwarto ng kanyang among si Azucena Go ng Valenzuela City, Metro Manila.

Oo nga’t kinuha ni Liezl ang pera at mga alahas sa pag-aakala na maililigtas niya si Mrs. Go sa kamatayan.May tumawag kasi sa telepono ng bahay ni Mrs. Go at si Liezl ang nakasagot.

Akala ni Liezl ay si Mrs. Go ang kanyang kausap. Sinabi ng taong nagpakilala na si Mrs. Go na siya’y naaksidente, maraming sugat sa kanyang katawan at mukha, at kailangan niya ng malaking pera dahil ooperahan na siya sa isang ospital na pinagdalhan sa kanya.

Ang hindi alam ng kasambahay na taga Sindangan, Zamboanga del Norte, ang kanyang kausap sa telepono ay miyembro ng “dugo-dugo gang” na madalas nambibiktima ng mga kasambahay.

Gagayahin ng sindikato ang boses ng amo at sasabihin sa kasambahay sa telepono na kailangan niya ng malaking halaga at nasa ospital dahil sa matinding sakuna.

Inuutusan ng “amo” ang kasambahay na halughugin ang kanyang kuwarto upang kunin ang pera at mahahalagang mga bagay upang maibayad para sa kanyang operasyon.

Inutusan siya ng “amo” na ibigay ang lahat ng nakuha niya sa aparador sa kanyang kaibigan na naghihintay sa isang lugar—sa kaso ni Liezl, sa labas ng isang bangko.

Ganoon nga ang ginawa ng pobreng si Liezl noong umagang yun.

Namangha si Liezl nang umuwi si Mrs. Go na walang galos sa katawan. Siyempre, galit na galit si Mrs. Go sa katangahan ni Liezl at siya’y pinakulong.

Sana’y makakuha ng leksiyon ang mga household o kabahayan na may mga kasambahay upang di mabiktima ng sindikato ng dugo-dugo.

A-dose ng Mayo, 2012, nang idinulog ni Merlita Tomanquez, 63 anyos, sa “Isumbong mo kay Tulfo” at nag-iiyak dahil sa sinapit ng kanyang anak na si Liezl.

Si Liezl ay mag-iisang linggo na sa Valenzuela City Jail nang dinalaw siya ni Alin Ferrer, isa sa aking staff sa “Isumbong.”

Sa assessment ni Alin kay Liezl, ang kasambahay ay mababa ang pinag-aralan at madaling mauto o mapaniwala.

Isa pa, ayon kay Alin, walang kamuwang-muwang ang provinciana sa mga kalokohan sa malaking siyudad.

Inilapit ng “Isumbong” kay Atty. Amer Macapundag ng Zuniega, Olaso, Macapundag and Salvador law offices upang maipagtanggol sa korte ang pobreng katulong.

Gaya ng ginawa na ni Macapundag sa mga ibang kaso na idinulog namin sa kanya, hindi sumisingil ng bayad ang abogado de campanilla.

Tagapagtanggol kasi ang batikang abogado ng mga akusadong mahihirap.

Si Macapundag ay nagtapos sa University of the Philippines (UP) College of Law noong 1995 at isang magaling na trial lawyer.

Ang argumento ni Macapundag ay hindi kasali si Liezl sa sindikato na bumiktima ng bahay ng mga Go.

Kung siya’y kasama ng sindikato, sana’y hindi na siya nadatnan ni Mrs. Go sa bahay nang umuwi ito kinagabihan.

Hindi rin sana nagpakita ng pagkamangha si Liezl nang nakita niya na walang kasugat-sugat si Mrs. Go, sabi ni Macapundag sa korte.

Hindi rin puwedeng magkunwari si Liezl ng pagkagulat nang makita niya si Mrs. Go na walang sugat dahil lubhang napakahina ng kanyang IQ.

Pinatingnan ng “Isumbong” si Liezl sa isang psychologist at ang findings, siya’y uto-uto.

Pinakawalang-sala ni Valenzuela Judge Nena Santos si Liezl base sa argumento ni Macapundag.

Walang paglagyan ang kagalakan nina Aling Merlita at Liezl nang pumunta sa aking tanggapan noong Miyerkoles. Nagpapasalamat sila.

Sinabi ko sa kanila na ang dapat nilang pasalamatan ay si Atty. Macapundag.

Read more...