Ritz Azul umaming nababagalan sa takbo ng career sa TV5
NAKAKUWENTUHAN namin si Ritz Azul nang dalawin niya kami sa radyo para imbitahan ang manonood sa unang pagtatambal nila ni Diether Ocampo sa Wattpad Presents Wicked Ways na matatapos na ang kuwento ngayong gabi sa TV5.
Napakalaki na ng ipinayat ng magandang young actress na puwedeng-puwedeng sumali sa mga beauty pageant, bukod kasi sa maganda na siya ay matangkad pa, kayang-kaya rin niyang itawid ang mga tanong sa kanya.
Aminado naman si Ritz na may mga pagkakataong naiinip siya, nababagalan siya sa takbo ng kanyang career, pero ang TV5 pa rin ang kanyang prayoridad kahit pa malapit nang matapos ang kontrata sa network.
Sabi ng magandang young actress, “Sa TV5 po ako nagsimula, sila po ang namuhunan sa akin, kaya sila pa rin ang priority ko, sila pa rin ang una para sa akin.”
Magiging maganda ang kanyang kapalaran sa TV5 sa pagpasok ng 2016, nakaplantilya na ang mga shows na gagawin ng network sa pakikipagpareha nila sa Viva Entertainment, maraming trabahong naghihintay para sa mga homegrown talents ng TV5.
Balita nami’y uunahin agad ang Panday at Tasya Fantasia, dalawang isinapelikulang obra ni Direk Carlo J. Caparas na mapapanood naman sa telebisyon, maraming artistang kakailanganin sa dalawang mauunang programa ng TV5 at ng Viva Entertainment.
Ramdam na namin ang pagpasok ng Viva sa TV5. Abalang-abala na ang mga utility ng istasyon sa pag-aakyat ng mga kagamitan mula sa bodega, ibig sabihi’y may mga gagamit na ng mga mesa sa mga nabakanteng opisina, buhay na buhay na uli ang sigla ng network sa pagpasok ng 2016.
At sana nga’y isa si Ritz Azul sa mga mabibiyayaan ng mga bagong shows sa susunod na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.