NATAGPUAn na ang isang Polish trekker at kanyang guide matapos ang isinagawang paghahanap ng search and rescue team sa Mt. Kanlaon, ayon kay Dennis Pinosa, Mt. Kanlaon Natural Park Protected Areas superintendent.
Inaasahan nang nakababa na ang Polish na si Ana Hodson, na nasa kanyang 40s at inilarawan bilang expert climber, at ang kanyang guide na si Valmer Villar sa Barangay Pintubdan, bayan ng La Carlota, ganap na alas-2 ng hapon.
Ipinagbawal na ang trekking sa Mt. Kanlaon matapos magpakita ng pag-aalburuto ang bulkan.
Nakapagtala ng 11 volcanic earthquake ang seismic monitoring network ng Mt. Kanlaon sa nakalipas na 24 na oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nakataas pa rin ang alert level 1 sa Mt Kanlaon, na nangangahulugan na ito ay nasa abnormal na kondisyon, dagdag ng Phivolcs.
Pinayuhan ng local government unit (LGU) ang publiko na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ).