Aktres bobang umarte, pagsasara lang ng pinto inabot ng take 7

MISMONG mga kasamahan na ng isang magandang young actress ang nagpapatunay na hindi sapat ang basta kagandahan lang sa pag-aartista.
Kung ang kapaniwalaan nu’ng araw ay para lang sa magaganda at mapuputi ang pag-aartista, ngayon ay inanod na ‘yun sa Pasig River, marami nang hindi kagandahang personalidad na nagkakapangalan dahil sa kanilang talento.
‘Yun mismo ang argumento ng isang source, alin ba ang mas mahalaga sa isang personalidad para siya makalusot sa matinding labanan ngayon, kagandahan o talento sa pag-arte?
“Marami kasing magagandang artista na pinahihirapan naman ang director at production dahil hindi marunong umarte. Tulad na lang ni ____ (pangalan ng isang magandang young actress), pinoproblema siya palagi tuwing taping ng serye kung saan siya kasama.
“Maarte lang kasi siya, hindi nakakaarte, isa siyang malaking abala sa trabaho. Imagine, magsasarado lang siya ng pintuan sa isang eksena, take 7 na ‘yun? Ano ba naman ang bagets na ‘yun, pintuan na nga lang na hindi nagsasalita ang kaeksena niya, a!
“Magsasarado lang siya ng door, hindi pa niya makuha-kuha? Nagsasalita ba ang door para maligaw siya sa ipinagagawa sa kanya ng direktor? Ano ba naman?
“Take 7, gaano katagal ‘yun? Kaya hindi natin masisisi ang mga co-stars niya kung masyado nang naiinip kapag siya ang kinukunan. Napakatagal naman kasi talaga!” naiiling na kuwento ng aming source.
Pinag-workshop daw naman ng mga nag-aalaga sa kanyang career ang teen actress, hindi raw naman siya isinalang nang hilaw na hilaw at walang alam, pero bakit ganu’n pa rin ang acting niya?
“Naku, may factory ng hamon sa house nila. Marunong din ba kasing umarte ang dapat niyang pagmanahan? Di ba, emote lang naman nang emote ang nanay niya?” pagtatapos ng aming impormante.

Read more...