Ronda Pilipinas 2016 bubuksan sa Mindanao

ANG Ronda Pilipinas, ang pinakamalaking cycling race sa Pilipinas, ay aarangkada sa susunod na taon sa pagsasagawa ng three-leg race na magsisimula sa Mindanao sa Pebrero 20-27 sa Butuan City, Cagayan de Oro at Malaybalay, Bukidnon.

Ang Ronda, na nasa ikaanim na edisyon at suportado ng LBC, Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at Standard Insurance, ay magsasagawa ng tatlong five-stage legs na gaganapin sa Mindanao sa Pebrero, Visayas sa Marso at Luzon sa Abril.

Gumawa rin ang mga organizers ng Ronda ng mga bagong inobasyon sa gagawing karera kung saan magsasagawa ito ng road race, individual time trial at criterium races kada leg.

“We need to adapt to the way races are done in the world stage as this project is to groom champions for flag and country,” sabi ni Ronda sports development head Moe Chulani. “And also, we want each cities, towns and provinces we visit will have a chance to see our riders and our race the whole day.”

Sinabi rin ni Chulani na ang Ronda ay patuloy na tutulong sa PhilCycling na pinamumunuan ni Abraham “Bambol” Tolentino sa grassroots development program nito sa paghahanap sa bansa ng mga umuusbong na talento at makatulong sa pag-ensayo ng mga susunod na miyembro ng national team.

Ang Ronda, na may nakalaang milyones na premyo sa bawat stage at leg, ay magkakaroon ng magkakahiwalay na mananalo mula sa Mindanao, Visayas at Luzon.

“Aside from the open elite division, we still have the Under-23 category because we believe that somewhere out there, there are gems in the rough waiting to be discovered,” sabi pa ni Chulani.

Tinapik rin ng Ronda ang 3Q Sports sa pamumuno nina Quin at Jojo Baterna at katuwang si Rommel Bobiles, na nagsagawa ng matagumpay na Giro de Pilipinas sa Subic noong Oktubre, hindi lang para makatulong sa sport kundi maengganyo ang lahat na subukan ang cycling.

Read more...