Suspek sa Bulacan judge slay patay sa agawan ng baril

bulacan
Napatay ang isang suspek sa pagpatay sa isang huwes sa Malolos City, Bulacan, nang mabaril habang nakikipag-agawan ng armas sa kanyang police escort kahapon (Lunes), dalawang araw lang matapos siyang maaresto, ayon sa pulisya.

Nasawi si Arnel Janoras, isa sa mga suspek sa pagpatay kay Malolos City Regional Trial Court Branch 84 Judge Wilfredo Nieves, sabi ni Senior Supt. Ferdinand Divina, direktor ng Bulacan provincial police.

Sinubukang agawin ni Janoras ang baril ng isa sa kanyang mga escort, kaya naputukan at namatay, sabi ni Divina sa isang kalatas.

Naganap ang “agawan” dakong alas-8:45 ng umaga sa bahagi ng MacArthur Highway na sakop ng Brgy. San Pablo, Malolos City.

Ini-eskortan noon ng mga pulis si Janoras patungo sa San Jose Del Monte City Prosecutors Office para sa inquest ng kaso nitong illegal possession of firearm, ani Divina.

Bago ito, idineklara ng pulisya na may “breakthrough” sa kaso ng pagpatay kay Nieves at itinuturing na itong “solved,” bunsod ng pagkaaresto kay Janoras.

Ayon kay Divina, nadakip si Janoras sa Brgy. Grace Ville, San Jose Del Monte City, noong Sabado, habang ang huli’y gumagawa o nag-aayos ng silencer para sa kanyang kalibre-.45 pistola.

Nakuhaan aniya si Janoras ng kalibre-.45 pistola na may pitong bala, dalawang holster, anim na piraso ng bakal, isang improvised na hulma ng gun silencer, electric drill, vise grip, dalawang cutting disk, at isang buffing disk.

Isinagawa ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group-Bulacan at Malolos City Police ang operasyon laban kay Janoras ilang araw matapos matulungan ng isang saksi sa pagpatay kay Nieves ang pulisya na makagawa ng sketch ng isa sa mga suspek.

Matapos maaresto si Janoras, positibo itong kinilala ng saksi bilang ang tao na kanyang nakita sa loob ng Toyota Innova na sinakyan ng mga pumatay kay Nieves noong Nob 11.

Habang iniimbestigahan sa pasilidad ng CIDG-Bulacan, inamin ni Janoras na may kinalaman siya sa pagpatay kay Nieves, at ibinunyag ang kanyang mga kasabwat, ani Divina.

Ikinanta ni Janoras ang isang “RD,” isang Jay Joson, at tatlo pang lalaking gumagamit ng mga alyas na “Bay,” “Romnick,” at “Utap,” anang police official.

Pinaniniwalaan na ang “RD” ay si Raymond Dominguez, na suspek sa ilang insidente ng carnapping at pagpatay sa Metro Manila at Central Luzon.

Naibunyag ni Janoras na binibisita ni Joson si Dominguez sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City, at tumanggap pa ng “instructions” mula sa huli bago pinaslang si Nieves, ani Divina.

Inamin ng police official na ang kaugnayan ni Nieves sa kaso ni Dominguez nga ang kanilang sinundan para matukoy ang pumatay sa huwes, dahil napag-alaman na si Nieves ang nag-convict kay Dominguez noong Abril 17, 2012 sa kasong carnapping with force upon things and violence upon persons, at nagpataw ng kaparusahang 17 hanggang 30 taon pagkakulong.

Napag-alaman na inapela ni Dominguez ang conviction, pero pinagtibay ng Court of Appeals noong Hulyo 30 ang hatol ni Nieves, ani Divina.

Nalaman din aniya na may apat pang kaso laban kay Dominguez ang nai-raffle sa korte ni Nieves noong Okt. 21 ngunit nag-inhibit o tumanggi ang judge, at natanggap lang ng Office of the Clerk of Court ang inhibition noong Nob. 9, dalawang araw lang bago mapatay si Nieves.

Itinuturing nang “solved” ang pagpatay kay Nieves at hinahanda na ang kasong murder laban kay Dominguez, Joson, alyas “Bay,” alyas “Romnick,” at alyas “Utap,” ani Divina.

Read more...