SINABI ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel na handa na ang Partido Demokratikong Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-Laban) na isulong ang kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagkapangulo.
“Yung narinig ng tenga ko, 100 percent nang tatakbo (si Duterte). As far as I’m concerned, wala na pong atrasan,” said Pimentel, presidente ng PDP-Laban.
Idinagdag ni Pimentel na pinirmahan na ng PDP-Laban ang bagong certificate of nomination para kay Duterte na ihahain sa Commission on Elections (Comelec) bilang kapalit ng kapartidong si Martin Diño.
Nauna nang naghain ng certificate of candidacy si Diño, bagamat iniurong ito.
Pinapayagan ang pagpapalit ng kandidato hanggang Disyembre 10.
Hindi naman masabi ni Pimentel kung kailan pupunta si Duterte sa Comelec para maghain ng kanyang certificate of nomination.
“Sa timetable, I can’t say anything. Judging from the historical record of Mayor Duterte, he used to file his certificate of candidacy (COC) for mayor in a low profile manner, walang motorcade, walang mga parade…, so hindi ko masagot, maybe we will just all be surprised na naka-file na pala,” dagdag ni Pimentel.
Iginiit ni Pimentel na clerical error lang ang nangyari nang ang inihain ni Diño na COC ay bilang mayor ng Pasay City, imbes na sa pagkapangulo.
“Merong clerical error but actually sa point of view ng Comelec, he is a presidential candidate. Nakalista sya as presidential candidate, merong effort ang legal department to declare him a nuisance candidate for president, that has been overcome, that minor clerical error has been overcome by the Comelec’s own actions,” aniya.
Ayon pa kay Pimentel, wala ring problema sa partido kung sakaling piliin ni Duterte si Sen. Alan Peter Cayetano bilang kanyang running mate.