DUMATING na sa bansa si Pangulong Aquino Lunes ng madaling araw matapos dumalo sa ika-27 Association of Southeast Asian Nation Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan inihayag niya na nakatakdang ganapin ang ASEAN sa Pilipinas sa 2017.
“Sa 2017, sa Pilipinas gaganapin ang pagtitipon ng mga pinuno sa ASEAN. Mga Boss, sa panahong iyon, nakapili na kayo ng bagong pinuno. Tiwala ako na sa maganda nating nasimulan, at sa patuloy nating pagtahak sa Daang Matuwid, ay muli na naman nating mapapatunayan ang ating kakayahang magpakitang-gilas at makiambag sa pagsusulong ng malawakang kaunlaran,” sabi ni Aquino sa kanyang talumpati sa kanyang pagdating.
Noong isang linggo isinagawa sa bansa ang Asia Pacific Economic Conference (APEC) na dinaluhan ng 21 pinuno ng iba’t-ibang bansa sa pamumuno ni US President Barack Obama.
“Dahil din po ito na ang huling ASEAN Summit na dinaluhan ko bilang inyong pangulo, ginamit din natin ang pagkakataon upang magpaalam sa ating mga kapwa pinuno sa Timog-Silangang Asya,” dagdag ni Aquino.
Nakatakdang bumaba sa puwesto si Aquino sa Hunyo 30, 2016.
“Maliban sa agarang pagtulong sa tuwing may kalamidad, na hindi na nga po natin kailangang makiusap pa ay dumarating na sila, nagpasalamat din tayo sa naging pagbabahagi ng punto de bista at karanasan, na nakatulong upang higit nating mapagtibay ang pakikipag-ugnayan sa kanilang mamamayan at pamahalaan,” ayon pa kay Aquino.