Urong-sulong, laban-bawi, atras-abanteng si Duterte

MARAMI ang hindi na nagulat sa pagbabago ng isipan nitong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na tuluyang tumakbo sa pagkapangulo sa darating na halalan sa Mayo 2016.
Hindi na rin tayo nagtataka na pagkatapos na pagkatapos niyang sambitin ang kanyang planong pagsabak sa presidential race sa isang birthday party sa Dasmarinas, Cavite, Sabado ng gabi, ay dali-dali rin niyang sinabi na pwede pa ring magbago ang kanyang isipan.
Ayon sa urong-sulong, laban-bawi, atras-abanteng presidential bet, pwedeng magbago muli ang kanyang isipan kung babaligtarin lang ng Senate Electoral Tribunal ang naging desisyon nito na nagdedeklara kay Senador Grace Poe na isang natural born Pilipino.
Nagbitiw rin itong urong-sulong, laban-bawi, atras-abanteng presidential bet na iaatras niyang muli ang kanyang deklarasyon kung maihaharap lang sa kanya ni Poe ang tunay nitong ina na magpapabilib sa kanya na siya nga ay isang natural-born Pinoy.
Ha!
Maraming natuwa sa na-ging desisyon ni Duterte, lalo pa sila na naniniwala na ang alkalde lang ng Davao City ang nakikita nilang pag-asa at bukod-tanging makapagpapabago sa buong bansa.
Marami rin namang nainis at nabwisit, hindi pa dahil sa ayaw nilang tumakbo si Duterte, kundi dahil nagsawa na sila sa pabagu-bagong isip nito.
Nariyan kasing tatakbo na raw sa pagkapangulo, hindi naman pala. Ayaw raw tumakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas dahil “hopeless” na ang bansang ito, pero maya-maya lang magpapasaring na kesyo mapipilitan daw siyang tumakbo kasi ganito, kasi ganoon…
Nakakabwisit, nakakapika ang isang lider na hindi mo makitaan ng isang salita.
Paano pa yan kung naihalal na nga siya bilang pangulo ng bansa? Baka dumale na naman itong si urong-sulong, laban-bawi, atras-abante sa kanyang pagpapatupad ng mga batas at polisiya.
Anong aasahan mo sa isang lider na walang isang salita?

Read more...