Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. FEU vs Ateneo
MAKAPASOK sa ika-32 UAAP Finals ang pakay ng Far Eastern University Tamaraws sa pagsagupa nila sa Ateneo de Manila University Blue Eagles sa pagsisimula ngayon ng Final Four ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament.
Magtutuos ang No. 2 seed at may twice-to-beat advantage na FEU at Ateneo sa ganap na alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nakapasok sa kanilang ikatlong sunod na Final Four appearance ngayong season, isinara ng Tamaraws ang kanilang kampanya sa Season 78 sa pagtala ng 71-68 panalo laban sa De La Salle University Green Archers noong Miyerkules para magtapos na may 11-3 kartada.
Ang Blue Eagles ay tinapos naman ang kanilang kampanya ngayong season na tangan ang 9-5 karta at manggagaling sila sa 74-69 kabiguan na pinalasap ng University of the East Red Warriors nitong nakaraang Sabado.
Papasok sa laro ang FEU na llamado dahil hindi nila pinanalo ang Ateneo sa kanilang paghaharap sa elimination round ng torneo. Tinambakan ng Tamaraws ang Blue Eagles, 88-64, sa first round bago naitakas ang 66-61 pagwawagi sa kanilang second round matchup.
Sasandalan ni FEU coach Nash Racela sina Mark Belo, Michael Tolomia, Roger Pogoy, Raymar Jose at Russel Escoto para makabalik sa Finals sa ikalawang sunod na taon.
Sasandigan naman ni Ateneo mentor Bo Perasol sina Kiefer Ravena, Von Pessumal, Arvin Tolentino, John Adrian Wong at Chibueze Ikeh.