SA ikalawang sunod na taon ay nakamit ni Kiefer Ravena ng Ateneo ang karangalan bilang Most Valuable Player ng 78th season ng UAAP.
Naungusan niya si Kevin Ferrer ng UST na siyang itinuturing na sorpresa ng season, ito ay bunga ng pangyayaring hindi lang nakarating sa Final Four ang Growling Tigers kundi naging No. 1 team pa sa pagtatapos ng elims.
Ang Growling Tigers ay may twice-to-beat advantage kontra defending champion NU Bulldogs sa kanilang Final Four duel. May twice-to-beat advantage rin ang No. 2 seed na FEU Tamaraws kontra Blue Eagles na siyang No. 3.
Siyempre, nagbubunyi ang mga fans ni Ravena dahil sa nakamit niyang karangalan. Ibig lang sabihin nito ay handa na nga siyang umakyat sa susunod na level sa isang taon.
Pero kung tatanungin mo si Ravena, sasabihin niya na hindi naman mahalaga para sa kanya ang MVP award dahil nga sa nakamit na niya ito noong nakaraang season. Ang talagang target niya ay ang matulungan ang Ateneo na muling magkampeon sa kanyang huling taon.
Kung tutuusin, nakadalawang kampeonato naman si Ravena para sa Blue Eagles. Ito ay noong unang dalawang seasons niya bilang senior. Pero siyempre, sa mga panahong iyon, hindi naman siya ang main man ng Blue Eagles. Madaming de-kalibreng kakampi si Ravena tulad nina Greg Slaughter, Justin Chua, Nico Salva at Ryan Buenafe. Sila ang mga estrella ng koponan. Sila ang bumuhat sa Blue Eagles.
Kumbaga’y nagmatrikula si Ravena sa mga taong iyon. At nang siya na ang main man ng Ateneo ay nabigo siya na mapagkampeon ang Ateneo. Kaya naman kahit na puwede na sana niyang palampasin ang huling taon niya sa UAAP at mag-apply sa nakaraang draft ng PBA kung saan tiyak namang makukuha siya sa first round, hindi niya iyon ginawa.
Sa halip ay nagpatuloy siya sa paglalaro sa Ateneo. At bilang bahagi ng sakripisyong ito, kahit na sa PBA D-League ay hindi siya naglaro. Talagang totally concentrated siya sa Blue Eagles.
Kaya naman maaasahang itotodo na ni Ravena ang lahat sa laban nila ng FEU Tamaraws mamaya sa Araneta Coliseum. Kasi, kung matatalo sila, iyon na ang magiging huling game niya sa UAAP.
Ayaw naman niyang matapos nang ganoon na lang ang kanyang stint sa Blue Eagles. Gusto niyang mag-iwan ng magandang alaala sa kanyang eskwelahan.
Kung tatanungin siya: Ipagpapalit mo ba ang ikalawang MVP award para sa isang huling kampeonato sa UAAP? Walang second thoughts. Ipagpapalit niya!