HALOS malaglag sa upuan ang isang presidential candidate makaraan niyang i-endorso ang kandidatura ng mag-asawa sa isang lungsod sa Central Luzon.
Bakit naman hindi, tumataginting na P500 milyon ang kanilang offer na tulong.
Pero sabi nga, there is no such thing as free lunch, kaya ang tulong na P500 milyon ay merong kapalit.
Ang hinihinging kapalit ay ASAP—hindi pagkatapos ng eleksyon kundi now na agad.
Gusto ng mag-asawa na hanapan ng kaso ang isang incumbent city mayor na kalaban nila sa pulitika.
Ito rin ‘yung mag-asawa dati na namili ng suporta ng incumbent vice-mayor, mga konsehal at pinuno ng TODA sa kanilang lugar.
Natural na hindi makasagot agad ang presidential candidate dahil mabigat ang hinihinging kapalit at ang gusto nila at i-commit agad ito ng naturang politician.
Isang matamis na ngiti lang muna ang iniwan ni presidentiable, pag-iisipan muna ika nga lalo’t dating kaalyado sa pulitika ang ipinatatrabaho sa kanya.
Naganap ang nasabing offer sa isang event na ginanap sa mansion ng mag-asawa sa isang lungsod na hindi kalayuan sa Metro Manila.
Sinabi ng ating Cricket na sangkatutak na salapi na ang pinakawalan ng mag-asawa gayung hindi pa naman nagsisimula ang halalan.
Bukod diyan ay ginagapang na rin daw nila ang suporta ng ibat-ibang religious groups sa kanilang nasasakupan.
Ang mag-asawang kaanak yata ni Asiong Aksaya ay sina….ah basta kapag nagigipit ang mga tao katulad ng business nila ang hinahanap ng mga gustong magsangla ng gamit.
Si presidentiable naman ay si….madaling hulaan siya ‘yung naghahabol sa mga survey.