Tsokolate ng OFW

ANG talento ay ipinagkaloob ng Diyos hindi para sa sarili. Kailangan itong gamitin para sa ikabubuti ng lahat at upang matugunan ang pangangailangan ng ating kapwa. Ito ang pagninilay sa Ebanghelyo (2 Mac 7:1, 20-31; Slm 17:1bkd, 5-6, 8b at 15; Lc 19:11-28) sa ika-33 linggo sa karaniwang panahon. Sa madaling salita, hindi ginagamit ng mga lider ng gobyerno ang kanilang talento para sa mahihirap, para sa iyo, sa obrero, at walang trabaho.

Itong si BSA 3 (Benigno Simeon Aquino 3rd noon, pero ngayon ay Bala Sa Airport terminal 3 na) ang pangulong nang-aapi ng OFWs. Si Texter …5429, na ang pamilya ay deboto sa Parokya ng Santo Rosaryo sa Sapang Palay, San Jose del Monte City, Bulacan, ay nagpadala ng mensahe na nakagagalit(!), at parang gusto ko nang magsumbong sa New People’s Army sa Dona Remedios Trinidad.

Dalawang kahon ang kanyang ipinadala sa kanyang malaking pamilya at maraming kamag-anak para sa kanilang maagang Pasko. May mga hiwa na ang mga kahon at ikinubli lamang ng makakapal na packaging tape. May mga tinangay na damit pero ang ikinagagalit ni Texter …5429 ay limas lahat ng tsokolate. Walang itinira. Bihirang makatikim ng imported na chocolate ang mahihirap sa Minuyan, Sapang Palay, SJDM, Bul.

Si Aquino ay manhid at malupit sa OFW, na hinirang na mga bagong bayani ng kanyang inang si Corazon. Kapag nababaterya ng batikos ay umaatras at kumakambiyo si Aquino, tulad ng Luneta hostage, Yolanda at SAF 44. Sa pagbubulatlat ng balikbayan boxes, na imprimatur nina Cesar Purisima at Bert Lina, umatras si Aquino nang umalma ang taumbayan at OFWs.

Ang isang latang 40 piye (container) ay may landed cost na aabot sa P1,060,000, bukod sa ipapatong na 12% VAT na aabot sa P187,000, na ipapasa sa OFW pagdating ng kanilang mga kahon sa Aduana. Kaya ipadadala pa lamang nila ang kahon ng pamasko ay kuba na ang OFW, at mas lalong hahambalusin sila kapag ninakaw ang chocolates. Aray. Nag-uumapaw na kaligayahan ang nararamdaman ng mahihirap sa Minuyan kapag nakatikim ng imported na tsokolate sa Pasko, iniinum man o nginunguya.

Sa padala pa lamang ng OFW ay kinuba na sila sa buwis at pinagnakawan pa. Pag-uwi ng OFW ay may bayad pala ang “Merry Christmas” sa airport. Kapag bumalik sa abroad ang OFW ay tatamnan naman sila ng bala at makaaalis lamang kung susuka ng pera. Ang payo nga ng recruiter sa Pedro Gil malapit sa kanto ng Taft sa kanilang napaaalis na OFW ay magbaon ng P10,000 panlagay sa tanim bala.

“Mang Lito, ang balita mong tanim bala ay luma na. Kaya ang payo namin sa napaaalis na OFW ay magbaon ng lagay para sa tanim bala,” anang recruiter. Sa aking mga kaibigan na sina Roy Seneres at Toots Ople (naging kainuman ko rin naman ang tatay mo noon), pagtuunan naman ninyo ng pansin ang tsokolate dahil lahat ng OFW at dating OCW ay dito pinagnanakawan ng taong gobyerno.

Sa aking komento kay Chit Luna (maganda pa rin siya, walang kupas) sa social media, kasalanan ng France ang nangyari dahil hindi lang siya (France) naisahan, kundi naaniman pa. Ang aking pananaw: failure of intelligence. Napakahigpit ng seguridad sa UK at USA kaya nahihirapang sumingit ang mga teroristang Islam. Hindi bobo ang Pranses. Alisin lang nila ang ugali at kinagisnang gay Paris (di bakla ang turan ko).

Paalala ng IBP, huwag kalimutan ang pagpapatalsik kay Renato Corona. Nasuhulan ang mga senador ng pera ng taumbayan para patalsikin si Corona. Huwag iboto ang mga bayaran. Haharap muli sila sa inyo para bolahin na naman kayo. Huwag maging bobotante sa hangalan sa 2016. Gawin itong tunay na halalan!

MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit ayaw kilalanin ng PGH ang garantiya ng mga senador na mababayaran ang di na mababayaran ng pasyente? Galing na kami sa PCSO at wala nang pera ang PCSO para ayuda sa amin. …9887

Read more...