Pinarangalan na Best Film ang nag-iisang animated entry sa 2015 Cinema One Originals na “Manang Biring” ni Carl Joseph Papa sa ginanap na awards night kamakailan.
Kinilala din ang “Manang Biring” sa dalawa pang kategorya na Best Music at Champion Bughaw Award.
Ang pelikula ay umiikot sa buhay ni Manang Biring, isang matanda na may stage 4 breast cancer na maka-katanggap ng isang liham mula sa isang kamag-anak na gusto siyang makasama sa Pasko.
“Nagbakasakali lang ako na mapili ang ‘Manang Biring’ sa Cinema One dahil gusto ko matupad ang pangarap namin na makagawa ng full-length animated film. Sana mapanood pa ito sa mas maraming sinehan sa Pilipinas,” ani Carl.
Samantala, ang pelikula ni Ralston Jover na “Hamog” na tungkol sa apat na street children na biglang magbabago ang buhay dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari, ay humamig ng apat na parangal kabilang na ang Jury Award, Best Editing, Best Supporting Actor (Bor Lentejas), at Best Actress (Therese Malvar).
Speechless ang dalawang newcomers mula sa “Hamog” sa pagtanggap nila ng award sa stage. Napaluha si Therese, 15, nang tanggapin ang kanyang pangalawang Best Actress award sa kanyang karera at lubos na nagpasalamat kay direk Ralston.
“Serious po ang role ko sa ‘Hamog.’ Very thankful po ako kay direk Ralston dahil sa kanyang tulong at mentorship para magawa ko ng maayos ang role ko,” ani Therese. Binigyang parangal din sa awards night sina Rox Lee, Joey Agbayani, Mike at Johnny Alcazaren, Nick Deocampo, at Raymond Red, ang mga tinaguriang haligi ng Philippine alternative cinema.
Ang Cinema One Originals ay annual film festival na binibigyan ng pagkakataon ang mga talentadong Pinoy storytellers na isapelikula ang kanilang mga kwento mula pa noong 2004. Isa itong local independent film festival ng Cinema One, isang cable channel na bahagi ng Creative Programs, Inc., isang subsidiary ng ABS-CBN.
Narito ang iba pang nagwagi sa gabi ng parangal: Best Actor, Dino Patrano (Baka Siguro Yata); Best Supporting Actress, Chai Fonacier (Miss Bulalacao); Best Director, Bor Ocampo (Dayang Asu); Best Screenplay, Ara Chawdhury (Miss Bulalacao); Best Cinematography, Dayang Asu (Albert Banzon); Audience Choice, Baka Siguro Yata (Joel Ferrer).
Best Sound, Bukod Kang Pinagpala (Jess Carlos); Best Music, Manang Biring (Dinno Parafina); Best Editing: Hamog (Charliebebs Gohetia); at Best Production Design: Bukod Kang Pinagpala (Harley Alcasid).