Parang kailan lang ‘yun. July 16, apat na buwan na ang nakararaan, nang unang isalang sa kalyeserye ang tambalang AlDub. Wala lang, eksperimento lang ‘yun, pero matinding niyakap ng publiko ang kanilang loveteam.
Napakabilis ng kanilang pagsikat, hindi nainip ang mga kababayan natin sa pag-angat ng kanilang pangalan, ang dami-dami agad nilang pinakain ng alikabok na loveteam diyan.
Ibang-iba na ang buhay ngayon nina Alden Richards at Maine Mendoza, natupad ang kanilang pa-ngarap na sumikat, kapag nanood ka ng telebisyon ngayon ay puro mukha nila ang makikita mo sa dami ng kanilang commercials.
Kahit sila naman ay hindi makapaniwala na sa ganito katinding senaryo mauuwi ang kanilang tambalan. Penomenal ang AlDub, maraming dekada nang uhaw ang mga Pinoy sa ganito katinding popula-ridad, hanggang sa iba’t ibang bansa ay sila na ang hinihingi ng mga show promoters-producers para lang sila makita nang personal.
Binago ng AlDub ang takbo ng kanilang buhay, lalo na si Alden na dati’y pangsuporta lang ng GMA 7 sa kanilang mga programa, pero ngayo’y sentrong pigura na sa kanilang mga proyekto.
Tama. Sa bawat pa-ngarap ay dumarating ang tamang tiyempo, ang tamang pagkakataon, ang tamang panahon. At itong-ito na ‘yun para kina Alden Richards at Maine Mendoza na tagumpay rin ng kanilang AlDub Nation, AlDub World at AlDub Universe.