IBINASURA ng Senate Electoral Tribunal ang disqualification case na isinampa laban kay Senador Grace Poe.
Sa botong 5-4, dinismis ng SET ang kasong isinampa laban sa senador ng talunang seantorial bet noong 2013 na si Rizalito David.
Ang mga nagsiboto laban sa petisyon ay sina Senador Bam Aquino, Pia Cayetano, Cynthia Villar, Tito Sotto at Loren Legarda.
Bukod tanging si Senador Nancy Binay ang nakiisa sa desisyon nina Senior Associate Justice Antonio Carpio, chair ng SET; Associate Justices Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion, na dapat madiskwalipika si Poe.
Wala pang pormal na anunsyo ang SET hinggil sa desisyon nito dahil hindi pa tapos ang proseso, ayon kay Senador Legarda.
“Hindi pa tapos ang proseso dahil may sampung araw pa na itinakda para sa possible motion for reconsideration,” pahayag ni Legarda.
Ilalabas ng SET ang pinal nitong ruling bago o sa Dis. 10 bago pa mag-imprenta ng balota para sa 2016 presidential elections.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.