Nanghihinayang ang anak-anakan naming si Ogie Naravaez Rodriguez na nakasaksi sa hindi kagandahang resulta ng concert ni Maja Salvador sa MOA Arena.
Ang VIP ticket na hawak ni Ogie ay bigay lang sa kanya ng isang kaibigan, bago mag-alas otso nang gabi ay nandu’n na siya, sa pag-asang magsisimula ang concert sa oras na nakalagay sa ticket.
Pero pagdating niya sa labas ng venue ay wala pang katao-tao, malinis ang lugar, nang kumustahin niya sa mga galing sa loob ng venue kung marami nang tao ay puro iling lang ang tinatanggap niyang sagot.
“Alas otso ang nakalagay sa ticket, pero alas nuwebe na, wala pang 30% ang tao sa loob ng venue. Hanggang sa pi-nababa na ang mga nasa general admission at upper box para magmukhang makapal ang ibaba, pero marami pa ring bungi-bunging silya,” kuwento ni Ogie Narvaez Rodriguez.
Nakapanghihinayang nga naman ang ganu’ng resulta, sobra-sobrang paghahanda pa naman ang ginawa ni Maja para sa kanyang malaking concert, pero ganu’n pa ang kinahinatnan.
Sana’y pag-aralan munang mabuti ng mga nag-aalaga sa career ni Maja Salvador kung para saan ang dalaga.Sila dapat ang nakakaalam kung puwede nang isalang sa malakihang venue ang kanilang alaga o sa maliit na lugar na lang muna.
“Saka magaling na dancer si Maja, totoo ‘yun, pero huwag muna siyang isalang sa singing. Sablay pa siya,” napapailing na komento ni Ogie Narvaez Rodriguez.