Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. Ateneo vs UE
4 p.m. NU vs FEU
Team Standings: **UST (11-3); *FEU (10-2); *Ateneo (9-4); NU (6-7); DLSU (6-7); UE
(4-8); UP (3-10); Adamson (3-11)
** – twice-to-beat sa Final Four
* – Final Four slot
PAGSISIKAPAN uli ng Far Eastern University na masungkit na ang mahalagang twice-to-beat advantage sa UAAP Season 78 men’s basketball Final Four sa pagharap nito sa National University ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Dakong alas-4 ng hapon mapapanood ang bakbakan at sasamahan ng FEU ang University of Santo Tomas kung manalo uli sa NU.
Natapos ang siyam na sunod na panalo ng Tamaraws (10-2) nang dumapa sa UST Tigers, 85-76, at gagawin nila ang lahat ng makakaya para bumangon agad.
May tsansa pa ang FEU kung masilat uli pero dapat na manalo sila sa De La Salle University sa pagtatapos ng elimination round sa Nobyembre 18.
Hindi madali ang pakay ng Tamaraws dahil kailangan ng Bulldogs na manalo para makahirit ng playoff sa huling upuan sa semifinals.
Katabla ng nagdedepensang kampeong Bulldogs ang Green Archers sa ikaapat na puwesto sa 6-7 karta at ang kabiguan ay posible nilang ikatalsik kung magwagi ang La Salle sa FEU.
Ang Ateneo de Manila University at University of the East ay magtutuos sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon at kailangan ng Blue Eagles ang panalo para magkaroon ng momentum papasok sa semifinals.
May 9-4 karta, ang Ateneo ay puwede pang makakuha ng playoff sa No. 2 spot pero kailangan nilang manalo at manalangin na matalo ang FEU sa huling dalawang laro.
Tiyak na palaban pa ang Red Warriors dahil sa 4-8 baraha at may tsansa pa silang umabante kung maipanalo ang huling dalawang laro at matalo ang NU at La Salle sa huling asignatura para magkaroon ng triple-tie sa 6-8 baraha sa mahalagang ikaapat na puwesto.
Kung magkaganito ay magkakaroon ng double-playoff para malaman ang huling koponan na aabante sa liga.