NAIINTINDIHAN natin kung nagmamadali na si Ranidel de Ocampo na magbalik-aksyon sa hardcourt matapos na payuhan siya ng mga manggagamot na magpahinga ng mula anim hanggang walong linggo bunga ng pananakit ng likod.
Nais niyang tulungan ang kanyang koponang TNT at alam niya na kahit paano ay nami-miss siya ng Tropang Texters.
Isa pa ay nais din niyang makipag-ensayo sa Gilas 4.0 na naghahanda sa paglahok sa torneo kung saan kukunin ang wildcard entry para sa Rio de Janeiro Olympics.
Pero siyempre, hindi naman puwedeng sumuway si Ranidel sa utos ng mga manggagamot.
Kailangan niyang magpahinga dahil baka imbes na mapadali ang paggaling ng kanyang likod ay lalo itong lumala at magtagal ang kanyang recovery.
Sa pagkawala ni de Ocampo sa active players ng Tropang Texters, mayroon namang magandang nangyayari.
Lumalabas ang buti ng mga top draftees na sina Moala Tautuaa at Troy Rosario na nakabawi na mula sa masagwang debut nila sa laro kontra Alaska kung saan sila ay tinambakan ng Aces, 114-98.
Matapos ang mala-bangungot na simulang iyon ng dalawang baguhan, ayun at nagtala na sila ng magagandang numero sa huling dalawang laro nila.
Katunayan, sa huling game kontra sa Meralco Bolts ay kapwa nagtapos nang may double figures sa scoring sina Tautuaa at Rosario.
Actually, tatlong batang manlalaro ang siyang nanguna sa scoring para sa Tropang Texters sa larong iyon. Ang naging top scorer nila ay si Matt Ganuelas Rosser.
Magandang senyales ito dahil ibig sabihin ay handa na ang mga batang manlalaro ni coach Joseph Uichico na yakapin ang responsibilidad na iaatang sa kanila. Handa na sila na palitan sa madaling panahon ang mga beterano.
Pero siyempre, hindi pa naman hinihingi ni Uichico na palitan nila ang mga beterano. May mapipiga pa naman siya sa mga old timers niya.
Ang maganda diyan ay tila tapos na kaagad ang pangangapa nina Rosser, Tautuaa at Rosario na pawang naging miyembro ng Gilas Pilipinas team. Ibig sabihin ay hindi lang sila maaasahan ng TNT kundi puwede na ring asahan ng national team kung sakaling matawag.
Pero hindi na muna iyon ang kanilang tinitingnan. Kasi may sariling set ng aspirants ang Gilas 3.0. So, sa TNT muna nakatuon ang kanilang pansin.
Habang wala si de Ocampo, kailangang kumayod nang husto sina Tautuaa, Rosario at Rosser. At kapag nagbalik na siya, aba’y anong lakas ng TNT!