Dahil hindi nakalusot sa una nilang pagtatangka na kabugin ang AlDub ay may bago na namang ginawang eksperimento ngayon ang noontime show ni Vice Ganda.
Kung kalyeserye ang tawag sa matagumpay na bahagi ng Eat Bulaga na nagpanganak sa kinakikiligang tambalan nina Alden Richards at Yaya Dub ay dalawang bagong mukha naman ang isinasalang ngayon sa It’s Showtime sa pag-asang makahabol man lang sila sa labanan ng ra-tings.
Pero wala pa rin silang magawa, hindi bumibitiw ang mga kababayan natin sa AlDub, kahit ang malalaking kumpanya ay sila pa rin ang kinukuha bilang tagapag-endorso ng mga produkto sa telebisyon.
Hindi na makakabog ng kahit sino at ng kahit anong gimik ang AlDub. Matibay na pundasyon ang hawak nila na galing mismo sa publiko, ang mga kababayan natin ang nagregalo sa kanila ng tagumpay, malalim na ang pagkakatanim ng kanilang katanyagan at hindi na basta mahuhugot.
Marami pang ibang atakeng maiisip ang itinuturing na kalaban ng AlDub, pero hanggang sa ganu’n na lang ang kanilang magagawa, matibay na matibay na ang pagkakatanim ng tambalan nina Alden at Maine Mendoza sa puso ng mga Pinoy.
Ang sinseridad kasi ay tumatawid sa manonood, hindi ‘yun napepeke, at ang totoong emosyon ay nararamdaman at hindi napipilit. “Trying hard, walang sincerity, heto na naman sila.
Walang kadala-dala!” komento pa ng aming kausap patungkol sa programang kumakalaban sa kalyeserye. Ha! Ha! Ha! Ha!