Young actor napakatigas ng ulo, wala nang kahihiyan

PINAGPIPISTAHAN ang isang young actor sa mismong network na pinagseserbisyuhan niya dahil sa kawalan niya ng pakialam sa kanyang imahe. Wala sa bokabularyo ng batang aktor ang pag-iingat at pangangalaga sa kanyang career.
Mabuti na lang at maraming bibig na nakapaligid sa kanya, maraming kaibigang nagpapayo at nagpapaalala sa kanya na napakasu-werte niya, dahil kung hindi ay siguradong araw-araw na nagtitinda ng kahihiyan ang young actor na ito.
Kuwento ng aming source, “Sayang na sayang ang young actor na ‘yun na sinuwerteng nagkapangalan agad. Ang dami-dami nilang magkakasabay na nag-artista, pero suwerte niya, nabigyan siya agad ng chance.
“Minsan na siyang nasangkot sa isang controversy, walang dapat sisihin du’n kundi ang pagiging iresponsable niya, saka madali siyang naapektuhan ng popularity.
“Mabait naman sana siya, pero madali siyang ma-sway, kundi siya maiga-guide nang maayos, naku, mas matindi pa ang mangyayari,” napapailing na kuwento ng aming source.
Wala sa ugali ng young actor ang pagpapakumbaba, mismong mga katrabaho niya ang nagkukuwento na matigas ang kanyang ulo, kinokontra niya kahit ang payo ng mga taong nangangalaga sa kanyang career.
“Ewan kung ano ang gusto niya. Basta, may katigasan ang ulo ng batang ‘yun. Maisip niya sana na napakahirap makalusot sa labanan lalo na ngayong ang dami-daming nakaabang sa position niya.
“Isa pang wrong decision, siguradong titihaya ang career niya. Huwag na sana siyang mag-experiment pa, kailangang makinig na lang siya sa advice ng mga nagpapatakbo ng career niya.
“Turuan mo ngang mag-sorry ang bagets na ito? Sorry lang, e, hindi pa niya masabi-sabi, samantalang siya naman talaga ang mismong dahilan kung bakit nalagay siya nu’n sa kontrobersiya,” pagbibigay pa ng clue ng aming source.

Read more...