WALA pa ring kadala-dala si Sheryl Cruz. Hindi pa rin siya tumitigil sa kasasalita laban sa kanyang tiyahing si Ms. Susan Roces at kay Senadora Grace Poe.
Tanong ng aming mga nakakausap ay meron daw palang ganu’n? Akala raw kasi nila ay sa mga nobela lang ni Direk Carlo J. Caparas nangyayari ang pagpapalutang ng kawalan ng utang na loob ng isang taong kinandili at pinagmalasakitan ng kanyang mga ka-mag-anak.
Pinakain na ng apdo ng ating mga kababayan si Sheryl nang magsalita siya laban kay Senadora Grace Poe na tumatakbo ngayon sa panguluhan, pero mukhang hindi na naaapektuhan ang aktres, tuloy pa rin siya sa pangmamaliit at pangu-nguwestiyon sa kapasidad ng isang itinuring na siyang pinsan.
“Nagpaparamdam lang ba si Sheryl dahil hindi na siya napag-uusapan o binabalot siya ng inggit sa katawan? Ano ba namang tao ‘yan? Nu’ng nalagay siya sa alanganin, e kanino ba siya tumakbo? Sino ba ang dumamay sa kanya?
“Wala siyang utang na loob, sino pa ang hindi niya kayang ganyanin? Kung ang mga tao ngang dapat niyang pasalamatan, e, sinalbahe niya, ibang tao pa kaya?” tanong-opinyon ng aming kausap. Oo nga naman.