BUMANGON si Ma. Nika Francisco mula sa pangit na ipinakita noong nakaraang taon nang humakot ng tatlong ginto sa 2015 Philippine National Games (PNG) weightlifting competition kahapon sa Evelio B. Javier Freedom Park sa San Jose, Antique.
Nagdagdag naman si Cebu tanker Mark Ichiro Kong ng apat pang ginto pa sa pool competition para maging 8-for-8 papasok sa huling araw ng kompetisyon sa swimming ngayong umaga.
Ginagamit ng Philippine Weightlifting Association (PWA) ang kompetisyon para isagawa rin ang National 5-in-1 Championships, ang 17-anyos na tubong Guiwan, Zamboanga City na si Francisco, na sumali sa women’s 46 kilogram division, ay bumuhat ng 50kg sa snatch at 60kg sa clean and jerk para sa kabuuang 110kg total at tanghaling kampeon sa Open, Collegiate at Youth Divisions.
Malaki ang iniunlad ni Francisco dahil noong nakaraang taon ay hindi siya nakagawa ng anumang record sa clean and jerk para ma-disqualify siya sa palarong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at may basbas ng Philippine Olympic Committee (POC) at ngayon ay suportado ni Antique Governor Rhodora J. Cadiao.
“Nagsikap po ako sa training kaya nagawa kong manalo ngayon,” wika ni Francisco, na isang first year mag-aaral ng Zamboanga Institute of Aviation and Technology sa kursong Aircraft Maintenance.
Natapos na rin ang women’s 44kg category at ang gold medalist sa 32kg noong 2014 na Erika De Hitta ay nanalo sa youth at secondary categories sa 40kg sa snatch at 48kg sa clean and jerk para sa 70kg total lift na marka.
“Dahil kasama na rito ang 5-in-1 championships namin kaya aabot sa 75 gold medals ang at stake this year at expected namin na may mga matutuklasan kami matapos ang kompetisyon,” wika ni Elbert Atilano Sr., ang vice-president ng PWA at siya ring tournament director.
Matapos walisin ang unang apat na events, si Kong ay nagwagi pa sa boys’ 200m freestyle (2:20.49), 100m backstroke (1:11.32) at 400m individual medley (6:30.53) sa individual events at kabilang sa 200m freestyle relay team (1:51.75) na nanalo ng ginto.
May tatlo pang events ang 16-anyos na si Kong at pakay niya ang manalo pa para maging 11-gold medalist sa kompetisyon.
Nagwagi rin ang kanyang kababayang si Trina Caneda sa girls’ 200m freestyle (2:41.46) para sa kanyang ikaapat na ginto.
Naunsiyami ang panlima niya dahil nasilat ang freestyle relay team ng host Antique na kampeon sa bilis na 2:12.41.
Bukod sa swimming na may dalawang ginto na, ang Antique ay gumawa rin ng marka sa chess nang itinanghal na kampeon si Denny Canja sa women’s blitz.
May apat na puntos si Canja at nakatabla si Keith Claire Carlisle Morala ng Cebu City. Ngunit lamang sa tiebreak ang una para sa ginto.
Nagkampeon naman si Jeffu Dogrog ng Cebu City sa men’s division.