UST Growling Tigers nakubra ang twice-to-beat advantage

Mga Laro sa Sabado
(Araneta Coliseum)
2 p.m. Ateneo vs UE
4 p.m. NU vs FEU

MULA sa nakakapanlulumong kampanya noong nakaraang taon, ang University of Santo Tomas (UST) ay nakabalik uli sa dating mataas na pedestal nang talunin ang Adamson University, 78-63, upang angkinin na ang unang twice-to-beat advantage sa Final Four sa UAAP Season 78 men’s basketball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Inangkin ni Kevin Ferrer ang unang 12 puntos ng koponan sa ikatlong yugto upang bigyan ang Tigers ng 49-33 kalamangan at mula rito ay hindi na lumingon pa para wakasan ang kampanya sa elimination round taglay ang 11-3 baraha.

May double-double na 25 puntos at 10 rebounds si Ferrer habang ang iba pang starters na sina Louie Vigil, Ed Daquioag at Karim Abdul ay nagsanib sa 35 puntos.

“Pinaghirapan talaga namin ito,” wika ni Tigers second year coach Segundo dela Cruz na nakabawi matapos hindi pumasok ang koponan noong nakaraang taon.

Bunga ng pangyayari, ang Far Eastern University at Ateneo de Manila University na lamang ang naiwang naghahabol para sa ikalawang insentibo at ang Tamaraws ang namumuro dahil isang panalo sa huling dalawang laro ang kailangan nila para makuha ang puwesto.

Tinapos ng Soaring Falcons ang kanilang kampanya sa 3-11 baraha.

Bumangon ang De La Salle University mula sa anim na puntos na pagkakalubog sa huling yugto para sa 72-68 panalo sa University of the Philippines sa ikalawang laro.

Read more...