Cignal, Philips Gold pag-aagawan ang solo liderato

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
4 p.m. Philips Gold vs Cignal
6 p.m. RC Cola-Air Force vs Foton
Team Standings: *Petron (6-2); *Cignal (6-2); *Philips Gold (6-2); Foton (5-3); RC Cola-Air Force (1-7); Meralco (0-8)
* – semifinals

LIDERATO ang paglalabanan ngayon ng Cignal at Philips Gold habang magtatangka ang Foton na umangat pa sa kinalulugarang puwesto sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Sa ganap na alas-4 ng hapon matutunghayan ang bakbakan ng HD Lady Spikers at Lady Slammers habang ang Tornadoes ay haharap sa talsik ng RC Cola-Air Force dakong alas-6 ng gabi.

Kumpleto na ang mga koponang maglalaban sa semifinals kaya’t puwestuhan na lamang para gumanda ang tsansang manalo sa susunod na round ang paglalabanan mula ngayon sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Mueller at Senoh at isinasaere ng TV5.

Magkakasalo ang Cignal, Philips Gold at pahingang nagdedepensang kampeon Petron sa unang puwesto sa 6-2 baraha habang may 5-3 kartada ang Foton para sa ikaapat na puwesto.

Ang mananalo sa unang laro ay maihahakbang ang isang paa patungo sa unang dalawang puwesto sa pagtatapos ng elims habang ang matatalo ay puwedeng tablahan ng Foton kung magwagi ito sa Raiders.

Crossover ang semifinals na isang knockout game kaya’t mahalaga ang maging number one dahil makakaiwas ito na makalaban agad ang malakas na Petron sa one-game tagisan.

Tinalo ng Cignal ang Philips Gold sa limang sets sa unang pagtutuos pero inaasahang handa ngayon ang huli para makabawi sa pagkatalo.

Dagdag motibasyon para sa Foton ang paghagip ng ikalimang sunod na panalo na kanilang magagamit para magkaroon ng momentum papasok sa ikalawang pagkikita sa Petron sa Sabado.

“Hindi kami puwedeng magkumpiyansa dahil kahit talsik na ang Raiders, gusto nila na bigyan ng magandang pagtatapos ang kampanya kaya dapat na itaas pa namin ang aming ipakikita,” wika ni Foton coach Vilet Ponce de Leon na dumaan sa limang sets bago natalo ang talsik na ring Meralco sa huling asignatura.

Read more...