Maling desisyon. Kung anuman ang pakahulugan sa komentong ‘yun tungkol sa pag-eendorso ni Daniel Padilla sa kandidatura sa panguluhan ni Secretary Mar Roxas ay siguradong nararamdaman na ng mga nakapaligid sa kanya.
Maling manok sa pa-nguluhan kaya ang ibig sabihin nu’n? Ang pag-eendorso kaya sa pulitikong inaayawan ng marami ang sinasabing maling desisyon na pinasok ng heartthrob?
Nu’n ay lumutang ang kuwento na bawal mag-endorso ng mga kandidato sa darating na eleksiyon ang mga artista ng Star Magic. Bawal daw. Pero biglang lumabas ang balita na kumpirmado nang si Secretary Mar Roxas ng Liberal Party ang nakakuha kay Daniel Padilla bilang tagapag-endorso.
Balitang limampung milyong piso ang sangkot na halaga sa transaksiyon, napabalita ring malaki ang naging impluwensiya kay Daniel ng kaibigan ng kanyang ina na si Kris Aquino, pero idinedenay naman ng partido ang mga unang kuwentong lumabas.
Libre lang daw ang pagtanggap ni Daniel sa pagdadala sa pangalan ni Secretary Mar sa kabuuan ng kampanya, wala raw silang pinag-usapang presyo, isang deklarasyong kahit idiin pa nila nang husto ay walang maniniwala.
Hindi man sakto ang presyong lumabas ay siguradong meron. Hindi tatanggapin ni Daniel at ng mga nagpapatakbo ng kanyang career nang wala siyang mapapala, imposible ‘yun, komento pa ng mas nakararami.
“Si Daniel Padilla, ikakampanya nang libre ang isang pulitiko? Sa ilang kanta nga lang niya, e, mala-king talent fee na ang sinisingil nila, ‘yun pa kayang endorsement ng isang politician ang sasabihin nilang libre?” komento pa ng isang katrabaho ni Daniel Padilla.