SA 15 years ni Kyla sa music industry ay ngayon lang kami nagkaroon ng limited edition album (15th anniversary) niya na may titulong “My Very Best Kyla” na naglalaman ng 15 kanta.
Pinakinggan namin ito at talagang wala kang itatapong kanta. Gustung-gusto namin siyempre ang soundtrack ng seryeng On The Wings Of Love na siya ring titulo ng kanta, pati na rin ang “Muli” na siya ang orihinal na kumanta at nag-record para sa Metro Pop Album, pero hindi ito sumikat hanggang sa napunta kay Vina Morales na naging super hit.
Mas ma-emote lang ang pagka-kanta ni Vina kumpara kay Kyla.
Gusto rin namin ang version nina Kyla at Martin Nievera ng “How Do You Keep The Music Playing”, ang “Sana Maulit Muli” at ang “Mahal Ko O Mahal Ako” ni KZ Tandingan.
Ang iba pang awiting nakapaloob sa “My Very Best Kyla” ay “I Am Changing”, “Huling Sayaw” (Kamikazee), “Don’t Tie Down”, “Mahal Kita (Di Mo Pansin)”, “Say That You Love Me”, “Tara Tena”, “Beautiful Days”, “You Were There”, “Flexin” at “Hanggang Ngayon”. Ito ay mula sa PolyEast Records.
At kasabay naman ng paglabas ng kanyang album ay magkakaroon din siya ng “Kyla: Flying High (15th Anniversary Concert)” sa KIA Theater, Araneta Center sa Nob. 20, 8 p.m..
Makakasama ni Kyla ang tinaguriang R&B King na si Jay R, Soul Supreme KZ, Prince of Pop Erik Santos at G-Force na ididirek naman ni Marvin Caldito kasama si Marc Lopez bilang musical director at ipinrodyus nina Calvin Chua, Ricky Agana at ng Dreamstar Events Company presented by Academy of Rock.
Samantala, naikuwento ni Kyla kung paano siya nagsimula sa music industry at inamin niya na nasubukan niya lahat ang klase ng auditions, maglakad, sumakay ng jeep, mag-abang ng taxi at kung anu-ano pang hirap.
Sa loob ng 15 taon ay gumaan na raw ang buhay nina Kyla at ng kanyang pamilya dahil nakapag-ipon din siya kahit paano, nakabili ng tatlong bahay at mga sasakyan na nagagamit niya ngayon kapag may trabaho.
Malayo na talaga ang narating ni Melanie Calumpad (tunay na pa-ngalan ni Kyla) na noo’y isinasama-sama lang ng mga taga-OctoArts sa mga event ng libre para ipakilala at ngayon ay may “Flying High” concert na sa KIA Theater at baka next time ay sa mismong sa Araneta Coliseum na siya magpe-perform.
Hindi naman sinagot ng musical director na si Marc Lopez kung ano ang bagong ipakikita ni Kyla sa concert dahil magugulat daw ang manonood dahil hindi nila iisiping kaya palang gawin ng talented singer ang mga production numbers na gagawin niya sa concert.
Kaya sa loyal supporters ni Kyla, sugod na sa KIA Theater sa Nov. 20