Mga Laro Bukas
(Malolos Sports and Convention Center)
1 p.m. Meralco vs Philips Gold
3 p.m. Cignal vs RC Cola-Air Force
WINNING streak ng Foton ang nagpatuloy nang pataubin nila ang Philips Gold, 25-14, 25-22, 18-25, 25-18, sa pagbabalik ng laro sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament kahapon sa The Arena, San Juan City.
Si Jaja Santiago ay nagpakawala ng 11 kills, 4 aces at 3 blocks habang ang mga imports na sina Lindsay Stalzer at Kathleen Messing ay may panuporta na tig-17 puntos upang maisulong ang winning streak sa tatlong sunod na panalo.
Naipaghiganti rin ng Tornadoes ang pagkatalo sa Lady Slammers sa unang labanan na umabot sa five sets para sa 4-3 karta sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at suportado ng Mikasa, Senoh at Mueller na ipinalalabas ng TV5.
“We have our goal and this win is a big morale-booster for us,” wika ni Foton coach Villet Ponce de Leon.
Si Santiago, na may siyam na puntos sa first set na dinomina ng Tornadoes, ang kumumpleto sa magandang panalo nang tapusin niya ang laban ng Lady Slammers sa isang service ace.
Naputol ang apat na sunod na panalo ng Philips Gold sa pangyayari para sa 4-2 karta.
Sina Bojana Todorovic, Alexis Olgard at Myla Pablo ay gumawa ng 14, 13 at 10 puntos pero nawala sila noong nagdomina ang Foton sa huling bahagi ng fourth set.
Hawak pa ng Lady Slammers ang 14-13 kalamangan nang gumawa ng kill at ace si Stalzer sa 3-0 run upang tuluyang hawakan na ng Foton ang bentahe sa laro.
“Mahalaga ang mga susunod na laro namin at focus lang kami sa bawat laro para maipanalo ito,” dagdag pa ni De Leon.