Alaska, Mahindra maghaharap sa Dubai

Laro Ngayon
(Al Wasl Stadium, Dubai, UAE)
8 p.m. Alaska vs Mahindra

MAIPAGPATULOY ang mainit na simula ang hangad ngayon ng Alaska Aces sa pagsagupa sa Mahindra Enforcers sa kanilang 2015-16 PBA Philippine Cup elimination round overseas game sa Dubai, United Arab Emirates.

Puntirya ng Aces ang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa Enforcers dakong alas-8 ng gabi (alas-12 ng madaling araw, Philippine time) sa Al Wasl Stadium.

Ang Alaska ay magmumula sa magkasunod na panalo kontra Talk ‘N Text Tropang Texters (114-98) at Blackwater Elite (87-79) habang ang Mahindra ay manggagaling buhat sa pagkatalo kontra Rain or Shine Elasto Painters (108-94) at Talk ‘N Text (101-97).

Muling sasandalan ni Aces head coach Alex Compton sina Vic Manuel, Jayvee Casio, Chris Banchero, Sonny Thoss at Calvin Abueva para ihatid ang koponan sa ikatlong panalo.

Sasandigan naman ni Enforcers playing coach Manny Pacquiao sina Karl Dehesa, LA Revilla, Bradwyn Guinto, Aldrech Ramos at Niño Canaleta para mahablot ng kanyang koponan ang unang pagwawagi.

Matapos makaharap ang Mahindra, sasagupain ng Alaska kinabukasan ang Barangay Ginebra Kings sa parehong oras at venue.

Read more...