Ginang patay sa kuryente sa boarding house ng anak


Nasawi ang 66-anyos na babae matapos makuryente habang nagsasampay sa boarding house ng kanyang anak sa Batac City, Ilocos Norte, kahapon.

Isinugod pa sa ospital si Iluminada Siguritan, residente ng Gonzaga, Cagayan, ngunit di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng Ilocos Norte provincial police.

Naganap ang insidente sa boarding house unit na inuupahan ng anak ni Siguritan sa NTA building, Sitio Nagcalaoan, Brgy. 17 Tabug.

Bumisita noon si Siguritan sa anak at ipinaglaba pa ng mga damit ang huli.

Nagsasampay si Siguritan ng mga nilabhan sa wire na konektado sa isang poste ng ilaw sa harap ng boarding house nang siya’y makuryente, ayon sa ulat.

Matapos iyo’y bumagsak sa lupa ang ginang at nagtamo pa ng pinsala sa ulo.

Dinala ng mga rumespondeng tauhan ng City Health Office si Siguritan sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center, pero idineklarang patay ng mga doktor ang ginang.

Read more...