4 patay sa karambola


Apat katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi habang di bababa sa anim ang nasugatan nang mag-karambola ang limang sasakyan sa Tigaon, Camarines Sur, kahapon, ayon sa pulisya.

Dead on the spot si Bobby Verdejo at ang 3-anyos niyang anak na si Vince Laurence, pati ang mag-ama ring sina Desiderio Piadopo at Daniel Piadopo, 1, sabi ni Senior Supt. Walfredo Pornillos, direktor ng Camarines Sur provincial police.

Sugatan naman sina Jeanette Verdejo, Antonio Diesta Jr., Qillie Botin; Rene Haineto, at dalawang taong di pa matiyak ang pangalan.

Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Sitio Ocine, Brgy. Panagan, dakong alas-3:40.

Minamaneho noon ng suspek na si Rizalde Catubig, 23, ang Isuzu wing van truck (RCA-257) mula Naga City patungong Tigaon proper.

Lumabas sa imbestigasyon na uunahan sana ni Catubig ang isang Florencia bus nang makipagkarambola ang kanyang trak sa tricycle na sinakyan ng mga Verdejo, motorsiklong sinakyan ng mga Piadopo, isang Mitsubishi truck, at isang Isuzu Elf truck, ani Pornillos.

Tumakas sa pinangyarihan si Catubig pero di naglao’y sumuko sa istasyon ng pulisya sa bayan ng Pili, aniya.

Hinahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek, ani Pornillos.

Read more...