Abaya, MIAA chief, pinapasuspinde sa Ombudsman dahil sa tanim bala
Naghain ng reklamo si Sen. Alan Peter Cayetano kahapon sa Office of the Ombudsman laban sa mga airport officials na wala umanong ginagawa kahit na talamak na ang insidente ng tanim bala sa paliparan.
“Hindi natin sinisisi ang gobyerno kung bakit may ganitong scam, ang sinasabi natin ano ang ginagawa nila?,” ani Cayetano na nagsabi na 44 araw ang nakalipas matapos pumutok ang balita sa media bago nagpatawag ng pagpupulong ang Department of Transportation and Communications.
Hiniling rin ni Cayetano sa Ombudsman na magpalabas ng preventive suspension order laban kina DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, Manila International Airport Authority general manager Jose Angel Honrado, Office of the Transportation Secuity Administrator Roland Recomono at PNP Director Pablo Francisco Balagtas.
Kasama sa nagreklamo ang founder ng Volunteers Against Crime and Corruption na si Dante Jimenez.
Sinabi ni Cayetano na sa ilalim ng Executive Order 226 series of 1995, ang opisyal ng isang ahensya ay maaaring parusahan kung wala itong ginagawa kahit na alam niya na may maling ginagawang mali kanyang mga tauhan.
“The heart of the cause of action of this complaint is the gross inaction of the respondents, even amidst knowledge of the crime or offense of their subordinates or lapses within their jurisdiction,” ani Cayetano.
Naniniwala si Cayetano na titino ang mga ahensya ng gobyerno kapag naipakita ng Ombudsman na ipinatutupad ang command responsibility policy dahil hindi na papayag ang mga lider na mayroong ginagawang mali ang kanilang mga tauhan.
Nilinaw naman ng senador na hindi lahat ng mga tauhan sa airport ay may ginagawang masama subalit napagbibitangan maging sila dahil walang ginagawa ang kanilang mga pinuno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.