DALAWANG koponan ang umaasang makakakuha ng kumpiyansa laban sa isang koponan na hangad na maipagpatuloy ang mainit na panimula sa 2015-16 Smart Bro PBA Philippine Cup elimination round.
Ito ang eksaktong senaryo sa dalawang laro na gaganapin sa Dubai, United Arab Emirates na kinatatampukan ng Mahindra Enforcers, Barangay Ginebra San Miguel Kings at Alaska Aces ngayong Biyernes at Sabado.
Sa tatlong koponan, ang Aces ang siyang may pinakamabigat na gagawin dahil dalawang sunod na laro ang kanilang tatahakin para mapalawig ang mainit na panimula sa torneo.
Makakaharap ng Aces ang Enforcers ganap na alas-8 ng gabi (alas-12 ng madaling araw, Philippine time) ngayong Biyernes sa Al Wasl Stadium bago bumalik sa nasabi ring venue sa pareho ring oras para makasagupa ang Gin Kings kinabukasan.
Ang Enforcers at Gin Kings ay parehong natalo sa kanilang unang dalawang laro sa pambungad na kumperensiya ngayong season at magiging motibasyon ito para sa kanila laban sa Aces na manggagaling sa magkasunod na pagwawagi laban sa Talk ‘N Text (114-98) at Blackwater (87-79).
Ang Enforcers ay nakalasap ng kabiguan buhat sa Rain or Shine (108-94) noong Oktubre 25 at Talk ‘N Text (101-97) noong Oktubre 31 at sa parehong okasyon ay ipinakita nila na hindi sila puwedeng balewalain.
Ang Gin Kings ay manggagaling din sa masamang pagsisimula kung saan natalo sila sa naunang dalawang laro at mukhang nangangapa pa sa kanilang porma sa ilalim ng bagong sistema na ipinapairal ng bagong head coach nito na si Tim Cone.
Ang Enforcers at Aces ay aalis ngayong umaga sakay ng Singapore Airlines para bumiyahe patungo sa pinakamaunlad at pinakamataong lungsod sa United Arab Emirates habang ang Gin Kings ay aalis bukas ng umaga sakay ng pareho ring airline.
Ang mga PBA officials, na pinamumunuan ni chief executive officer Chito Salud, deputy commissioner Rickie Santos at media bureau head Willie Marcial, kabilang ang mga game at technical officials na magsasagawa ng mga laro, ay aalis ngayong hapon sakay ng Emirates.
Si PBA Commissioner Chito Narvasa ay tutungo naman ng Dubai bukas.
Samantala, ipinahayag ni Salud ang kasiyahan sa pagtanggap ng Aces na maglaro ng back-to-back games tulad ng ginawa ng Elasto Painters nang magsagawa ng dalawang laro ang liga sa nasabi ring lungsod noong nakaraang season.
“Nagpapasalamat tayo sa Alaska Aces sa pagpayag nilang maglaro ng back-to-back official games. Alam kong gagawin nila ito para sa ating mga kababayan sa UAE,” sabi ni Salud.