KUNG may balak si Pangulong Aquino na mabura kahit konti ang kanyang imahe bilang benggador, mapaghiganti at mapagta-nim ng galit ay dapat na siyang mag-move on at solusyunan na lamang ang mga problema ng bayan, lalo pa’t pitong buwan na lang siya sa panunungkulan.
O baka naman iyon talaga ang gusto niyang maalala sa kanya ng mga Pilipino sa anim na taon niya sa puwesto?
Sa harap ng foreign media noong isang linggo ay tila umusok ang ilong ni PNoy at sinabihan si Sen. Bongbong Marcos na dapat daw itong maglupasay at humingi ng tawad sa mga Pilipino dahil sa Martial Law na idineklara ng amang si Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang sagot ni Bongbong ay kung meron siyang nasaktan o nagawan ng pagkakamali ay handa siya na humingi ng tawad. Pero, dagdag niya, kanino siya hihingi ng paumanhin kung wala naman siyang sinaktan? At anong krimen daw ang nagawa niya sa taumbayan upang mag-public apology?
Tinawanan at minaliit din ni PNoy ang pamilya Marcos at sinabing walang pruweba na nagbalik na ang amor ng mga Pinoy sa da-ting First Family.
Ang balik ni Bongbong ay marami ang naghihikahos ngayon sa pamumuno ni Aquino kaya di nila maiwasang ikumpara ang nakaririwasang buhay noong panahon ni FM.
Ipinunto rin ni Bongbong na kung talagang galit ang publiko sa kanyang pamilya ay hindi sila nananalo sa eleksiyon.
Sapat na itong batayan na marami pa rin ang naniniwala sa mga Marcos, giit ng senador.
Idinagdag pa ng senador na kung ano man ang nagawa ng kanyang ama ay bahala na ang kasaysayan na humusga rito.
Pero kumpara kay Bongbong, mas marami namang dapat ihingi ng tawad itong si PNoy.
Isa-isahin nga natin.
Nagsori ba si Aquino sa Hong Kong sa pagkamatay ng walong HK nationals sa Luneta hostage-taking?
May narinig bang sorry sa kanya kaugnay ng nilikha niyang Disbursement Acceleration Program o DAP na hanggang ngayon ay pini-pilit niyang naaayon sa batas?
Nagsori ba siya sa kabagalan ng aksyon ng gobyerno habang nagkukumahog ang international community sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda?
May namutawi bang sori sa bibig niya sa tila iniipit sa Kongreso na Freedom of Information bill?
Nagsori na ba siya sa “hindi nakamamatay” na traffic sa Metro Manila at sa napakahabang pila sa MRT at LRT?
May naramdaman bang sori mula sa kanya sa pagtanggi niyang ibaba ang income tax?
Nagsori rin ba siya sa paghabol sa mga korup na kalaban sa politika pero tila bulag sa mga kasalanan ng kanyang mga kaibigan at kapartido?
Nagsori ba siya na sa pagmamadali niyang pairalin ang K-12 program ay 24,000 teaching at non-teaching staff ang mawawalan ng trabaho sa loob ng limang taon?
Nagsori rin ba siya sa pagtutulak sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na parang ipinamimigay na ang mala-king bahagi ng Mindanao sa Moro Islamic Liberation Front (MILF)?
At, ang pinakamasahol sa lahat, inamin na ba niya ang kasalanan niya sa masaker sa Mamasapano?
Oo nga’t sinabi niya na inaako niya ang responsibi-lidad sa nangyari, pero wala namang narinig mula sa
kanya na paghingi ng paumanhin sa mga naulila ng SAF44.
Sori mula kay PNoy? Sori na lang tayo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.