GM Bitoon kampeon sa Battle of Grandmasters

NAGBUNGA ang ginawang maagang paghahanda para sa isang international tournament sa Malaysia ni Grandmaster Richard Bitoon nang siya ang kinilala bilang kampeon sa 2015 Battle of the Grandmasters Open na natapos kahapon sa PSC Athletes Dining Hall sa Vito Cruz, Maynila.

Tinapos ng 39-anyos tubong Medellin, Cebu ang 11-round torneo taglay ang pitong puntos upang makuha ang kauna-unahang kampeonato sa torneong inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at may ayuda ng Philippine Sports Commission (PSC).

“Tatlong linggo lang bago ko nalaman na matutuloy itong Battle of the GM. Pero handa ako dahil sinimulan ko na ang preparasyon ko para sa sasalihan kong invitational tournament sa Penang, Malaysia mula December 6 to 12 kaya maganda ang inilaro ko,” wika ni Bitoon na national team member mula 2008 at nakapaglaro sa Chess Olympiad noong 1998, 2000 at 2010.

Sixth seed lamang si Bitoon pero hindi siya natalo sa torneo at may apat na panalo at anim na draw para higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong 2009 na pinagharian ni GM Wesley So.

Si GM Rogelio Antonio Jr. ay nagkaroon din ng pitong puntos ngunit ang second seed sa kompetisyon ay mayroong isang talong nalasap niya kay International Master Haridas Pascua para matalo sa tiebreak.

Si Pascua ang kumuha ng ikatlong puwesto tangan ang 5.5 puntos habang ang dating kampeon na si GM Eugene Torre ay nalagay sa ikaapat na puwesto sa natipong limang puntos.

May limang puntos din sina GM Darwin Laylo, GM John Paul Gomez at Fide Master Mari Joseph Turqueza para sa ikalima hanggang ikawalong puwesto habang si National Master Jerad Docena ang nasa ikawalong puwesto sa 4.5 puntos.

Sina IM Paulo Bersamina at IM Joel Abelgas ay may tig-apat na puntos para lumapag sa ikasiyam at ikasampung puwesto habang ang natatanging lady chess player na WIM Janelle Mae Frayna ang nasa huling puwesto bitbit ang tatlong puntos.

Ang kompetisyon ay magsisilbi rin bilang warm-up ng mga GMs dahil dalawang international tournaments ang gagawin sa Subic ngayong buwan.

Read more...