3 straight MVP si Fajardo?

NEVER in the history of the Philippine Basketball Association has anyone won the Most Valuable Player award three time in succession. Never!

‘Yung back-to-back na pagkapanalo ng MVP award ay nagawa kaagad ni William ‘Bogs’ Adornado sa unang dalawang seasons ng pro league habang naglalaro sa legendary Crispa Redmanizers. Napanalunan ni Adornado ang kanyang ikatlong MVP award several years after nang siya ay lumipat sa Utex Wranglers.

Si Ramon Fernandez, na siyang kauna-unahang manlalarong nagwagi ng MVP award ng apat na beses ay hindi kailanman nakapag-uwi ng karangalang ito nang back-to-back. Palaging may laktaw na isang taon sa kanyang accomplishment.

Sa ngayon ay tabla sina Fernandez at Patrimonio na may tig-apat na MVP awards bago tuluyang nagretiro sa paglalaro.

Well, noong Miyerkules ng gabi habang ginagawa ang radio coverage ng laro sa pagitan ng San Miguel Beer at Meralco, napag-usapan namin ni Noel Zarate ang tungkol sa achievement ni Fernandez.

Nasabi niya na dapat ay higit pa sa apat na beses na nagwagi ang manlalarong tinawag na “El Presidente,” “The Franchise” at iba pa.

Naniniwala ako sa tinuran niya. Kasi may mga seasons na dinomina ni Fernandez pero hindi sa kanya napunta ang MVP award. At least two seasons ang dinomina niya pero natalo siya.

Kaya nga lang ay hindi ito sa pagitan ng mga seasons kung kailan siya nagwagi bilang MVP. Kung pati mga seasons na iyon ay pinarangalan siya, malamang na isang taon pa rin ang laktaw sa bawat MVP award niya. Hindi iyon magiging successive. Hindi talaga siya makakapanalo ng back-to-back ever!
Bakit namin napag-usapan ang tungkol sa MVP awards?

Ito ay dahil kay June Mar Fajardo na siyang main man ng Beermen. Noon kasing nakaraang Sabado ay sinimulan ng Beermen ang pagdedepensa sa kanilang korona sa pamamagitan ng 97-87 panalo kontra sa Globalport sa out-of-town game na ginanap sa USEP Gym sa Davao City. Sa larong iyon, si Fajardo ay nagtala ng 21 puntos at 17 rebounds. Ito ay sa kabila ng pangyayaring galing siya sa foot injury at hindi pa 100 percent.

Aba’y paano pa kapag 100 percent na siya? E, di higit pa roon ang kanyang ibubuhos.

Tandaan nating si Fajardo ang reigning MVP at nagawa niyang mapanalunan ito sa ikalawang sunod na taon. Bale nasa ikaapat na taon pa lang siya sa kanyang PBA career.

Nabigo si Fajardo na mapanalunan ang Rookie of the Year award kung saan tinalo siya ni Calvin Abueva matapos na magkaroon siya ng injury sa kanyang unang taon. Pero matapos iyon ay dinomina na niya ang liga.

Sa taong ito, marami ang nagsasabing ang San Miguel Beer ay malamang na mamayagpag at baka makakumpleto pa ng Grand Slam.

At kung mangyayari ito, malamang na si Fajardo ulit ang maging MVP. Sakaling mangyari ito, siya ang magiging kauna-uahang manlalarong magwawagi ng MVP award nang tatlong sunod na seasons.

Iyon ang mahirap na mabura!

Read more...